(Pinag-aaralan ng DICT)EXTENSION NG SIM CARD REGISTRATION DEADLINE

PINAG-AARALAN ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin pa ng 120 araw ang deadline ng SIM card registration na itinakda sa Abril 26 ngayong taon.

Ang pahayag ng DICT ay dahil na rin sa 25 porsiyento pa lamang ng 169 million SIMs ang rehistrado hanggang nitong Marso 7.

Batay sa datos ng DICT, may kabuuang 41,471,503 subscribers ang nakapagrehistro ng kanilang SIM at nairehistro sa system na katumbas ng 24.54% ng kabuuang 168,977,773 million subscribers sa buong bansa.

Ang kabuuang bilang ay mula sa pinagsama-samang datos ng mga lokal na PTEs: Smart Communications Inc., Globe Telecom Inc., at DITO Telecommunity Corp.

Sa pinakahuling tala, ang Smart Communications Inc. ay nag-ulat ng kabuuang 21,115,477 SIMs na nairehistro na may katumbas na 31.05% ng kanilang kabuuang 67,995,734 subscribers.

Ang Globe Telecom Inc. ay nakapagtala naman ng 17,206,202 SIM registrations na katumbas ng 19.58% ng kabuuang 87,873,936 subscribers ng Globe.

Habang ang DITO Telecommunity Corp. ay nakapagtala ng kabuuang 3,149,824 SIM registrations o katumbas ng 24.02% ng kanilang 13,108,103 subscribers.