(Pinag-aaralan ng DOH) PAGTATANGGAL NG FACE MASK SA MGA BAKUNADO

NAGSASAGAWA  na ng pag-aaral ang Department of Health (DOH) sa rekomendasyong payagan nang magtanggal ng kanilang face masks ang mga indibidwal na fully-vaccinated na laban sa COVID-19.

Gayunman, nilinaw ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi lamang ang COVID-19 vaccination ang dapat na maging basehan kung papayagang mag-alis ng face masks ang mga vaccinated people sa ilang lugar.

Ayon kay Vergeire, dapat ding isaalang-alang ang bilang ng mga kaso ng sakit, gayundin ang healthcare utilization rate.
“Ang ginagawa natin, tayo po ay nag-aaral na nitong sinasabing rekomendasyon na ito para makita natin if we can also apply this in specific bubbles,” pahayag pa niya, sa isang online briefing.

Nauna rito, sinabi ni OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco na dapat ay maging handa ang pamahalaan na dahan-dahanin nang i-relax ang health protocols ngayong unti-unti nang dumarami ang mga Pinoy na nagpapabakuna laban sa COVID-19.

Ito’y upang mabigyan aniya ang mga Pinoy ng pag-asa, gayundin ng insentibo para sa mga nagdadalawang-isip pa na magpabakuna.

Tinukoy pa ni Austriaco ang Estados Unidos na kahit hindi pa nakamit ang herd immunity ay pinayagan nang magtanggal ng face mask ang mga taong naturukan na ng bakuna.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na bagamat mahigit isang milyong indibidwal na ang fully vaccinated sa bansa, o yaong nakatanggap ng dalawang dose ng COVID-19, ay hindi pa rin aniya ito sapat lalo na at ang bansa ay mayroong mahigit sa 110 milyong populasyon.
“Kung sa Estados Unidos po ay nagkaroon sila ng polisiya na puwede nang hindi mag-mask kapag nasa labas, tayo po dito, hindi pa rin po natin ‘yan makonsidera kasi ‘yung rate ng vaccination natin, hindi naman pareho doon sa Estados Unidos,” aniya pa.

Aniya pa, “Mahirap po tayong magkumpara sa ibang bansa sa estado natin ngayon… Meron pa rin po tayong mga pailang-ilang lugar dito sa ating bansa na tumataas po ang kaso.”

Matatandaang sinabi na ng World Health Organization (WHO) na kahit bakunado na ay kinakailangan pa ring ipagpatuloy ng publiko ang pagsusuot ng face masks para makaiwas sa sakit.

“Vaccines are life-saving but on their own, they are not enough,” ayon pa sa WHO. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.