(Pinag-aaralan ng DTI) CERTIFICATION SA PAROL PRODUCTS

DTI-4

PINAG-AARALAN ng Department of Trade and Industry (DTI) kung magpapatupad ng isang sistema para sa standardization at certification ng parol products.

“Pinag-aaralan pa po natin. Siyempre ‘yung benefit nyan sa consumer, ‘yun po ang pinaka-objective natin,” wika ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa isang televised public briefing.

Ayon kay Castelo, aalamin ng ahensiya kung may umiiral na international standards na maaari nitong gamitin at i-customize upang higit maging angkop sa parol products.

Pinaalalahanan niya ang publiko na i-check ang Philippine Standard (PS) mark at ang Import Commodity Clearance (ICC) sticker sa Christmas lights bago bumili nito, para sa guaranteed safety at quality.
Payo niya ay huwag itong bilihin kapag wala ang naturang PS mark at ICC sticker dahil sigurado, aniyang hindi ito

dumaan sa certification process o bumagsak.

Kamakailan ay naglabas ang DTI ng listahan ng certified sellers at retailers ng Christmas lights na may PS mark at ICC sticker.