PLANO ng Food and Drug Administration (FDA) na palawigin ang saklaw ng discounted medicines at medical devices hindi lamang para sa senior citizens, kundi pati sa persons with disabilities (PWDs).
Sa isang statement, sinabi ng FDA na tinalakay ito sa pagpupulong ng mga opisyal ng ahensiya sa pagpapatupad ng Administrative Order No. 2024-0017, na nag-aalis sa booklets ng senior citizens bilang requirement para sa kanilang discounted purchase ng gamot.
Bago ang AO No. 2024-0017, ang senior citizens ay kailangang magprisinta ng valid identification at prescription ng doktor para maka-avail ng medical discounts.
“Sa ginawang pagpupulong, pinag-aaralan din ng ahensiya ang posibleng pagpapalawig ng mga diskwento hindi lamang para sa mga senior citizens kundi pati na rin sa mga PWDs,” ayon sa FDA.
Sinabi ng FDA na pinag-aaralan din nito kung paano mapagbubuti ang pagpapatupad ng value-added tax (VAT) exemptions sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law, at iba pang discounts na itinatakda ng iba’t ibang batas para mapalawig ang mga benepisyo.
Plano rin ng ahensiya na magsagawa ng malawakang information campaign upang maliwanagan ang publiko sa mga benepisyong ito.
“Inaasahang magdudulot ang mga hakbang na ito ng mas pinadaling proseso sa mga transaksyon, at malaking tulong para sa mga senior citizens at PWDs, lalo na sa mga mahihirap na komunidad,” ayon pa sa FDA.
Dagdag pa ng ahensiya, makikinabang din ang mga drug store at healthcare provider sa pinasimpleng transaksiyon at pinadaling discount process.