PINAG-AARALAN ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagpapatupad ng “window hour” sa EDSA para sa provincial buses.
Ayon kay MMDA traffic czar Bong Nebrija, pinag-uusapan na nila na kung puwedeng magkaroon ng “window hour” ang provincial buses sa EDSA na ang ibig sabihin ay puwede silang dumaan sa naturang lugar mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Kaugnay nito ay hinamon din ni Nebrija si Representative Joey Salceda na maghain ng panukalang batas na magkapagbibigay ng solution sa mas lumalala pang trapik sa Metro Manila.
Ang naging pahayag ni Nebrija ay base sa kahilingan ng mambabatas na harangin ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng provincial buses ban na ang target ng MMDA ay tanggalin ang 47 provincial buses terminals sa EDSA.
Pakiusap din ni Nebrija kay Salceda, tulungan ang MMDA na masolusyunan ang trapik sa pamamagitanang mga batas na ihahain nito.
Ayon kay Nebrija, base sa kanilang datus ay nabatid na 85% na volume ng mga pribadong behikulong ang dumadaan sa EDSA at ang 75 porsiyento isa o driver lamang ang sakay na isa sa sanhi ng pagtaas ng volume ng behikulo.
Kabilang naman sa paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes, sinabi ni Nebrija na tutukan din nila ang mga overloading na tricycle at mariin silang ipinagbabawal sa EDSA at major thoroughfare.
Binalaan ni Nebrija ang mga tricycle driver na huhulihin sila ng mga enforcer ng MMDA kahit may sakay pa silang mga estudyante. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.