(Pinag-aaralan ng NEDA )HIGIT 200 ‘BIG-TICKET’ PROJECTS

NEDA-4

MAHIGIT sa 200 proposed “big-ticket” projects ang pinag-aaralan ng National Economic and Development Authority (NEDA), na target na mailabas ang aprubadong listahan sa pagtatapos ng first quarter ng taon.

Ayon sa Presidential Communications Office, batay kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, kasalukuyang nirerebyu ng ahensiya ang 206 proposals.

“And that’s just for iyong tinatawag nating magiging flagship,” sabi umano ni Edillon.

“That could still be trimmed down…Iyon nga tinitingnan natin iyong viability nito.”

Sinabi ng NEDA official na may mas mahabang listahan ng 3,000 proposals para sa buong termino ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. hanggang 2028.

Ayon kay Edillon, ang mga proyekto ay popondohan sa pamamagitan ng iba’t ibang schemes tulad ng public-private partnerships (PPPs), grants, at government allocation.

Aniya, magpopokus ang administrasyon sa mga proyekto na solicited PPPs, at yaong makatutulong para makamit ng pamahalaan ang economic growth targets nito, madagdagan ang employment, at mabawasan ang kahirapan.

Nauna rito ay inanunsiyo ng NEDA na inaprubahan ng board nito na pinamumunuan ni Marcos, ang pitong “high-impact” projects, kabilang ang ₱6-billion Philippine General Hospital Cancer Center at ang ₱17-billion new Dumaguete Airport Development Project.

Ang listahan ay kinabibilangan din ng ₱20-billion integrated flood resilience and adaptation project; Metro Davao public transport modernization; Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) rehabilitation; upgrade ng communications, navigation, surveillance/air traffic management system; at Mindanao Inclusive Agriculture Development Project.