(Pinag-aaralan ni Abalos, Marbil) PAGSUNDO KAY ALICE GUO SA INDONESIA

PINAG-iisipan nina Interior Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil na pumunta sa Indonesia para personal na sunduin ang sinibak sa puwesto na si Bamban mayor Alice Guo at kaagad na ibalik ito sa Pilipinas.

Sa isang press confe­rence  nitong Miyerkules, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na mayroon silang dalawang opsyon.

“Titignan ‘yung possibility, we have two options whether ‘yung police attache na ang mag-eescort papunta sa Pilipinas  or it would be the Chief PNP or SILG that will be travelling to Indonesia to fetch Alice Guo,” ayon kay Fajardo.

Ani Fajardo na wala pa namang “definite plan” hinggil dito subalit “ang ini­tial po kanina, ang usapan po is si mismong si SILG po ang bibiyahe roon at si Chief PNP po.”

“The intention of the Chief PNP and SILG is within the day we can get the custody of Alice Guo,” dagdag pa nito.

Sa ulat, naaresto na ng mga awtoridad si Alice Guo sa isang hotel sa Batam, Indonesia.

Sinabi ni Fajardo na ang pag-aresto sa kapatid ni Alice Guo na si Shiela Guo at Cassandra Ong, awtorisadong kinatawan ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga ay “born out of the intelligence cooperation” sa pagitan ng PNP at Indonesian National Police.

“Maganda ang naging coordination ng ating police attache doon at Indonesian police that led to the location nga po nitong si Alice Guo,” ayon kay Fajardo.

Sinabi nito na hinihintay pa rin nila ang official report.

“Kanina po before coming over here kausap ko po mismo ‘yung intelligence group na nagfacilitate, they opted not to disclose more information kasi ongoing pa ‘yung efforts to locate others,” ang winika ni Fajardo.

Giit nito, gumagana ang intelligence efforts ng PNP.

“Out of respect din po sa iba nating mga law enforcement agencies, I’m sure gumagana rin po ‘yung intelligence efforts nila,” ang tinuran ni Fajardo.

Hindi naman nila ina­alis ang posibilidad na may ilang police personnel ang maaaring tumulong kina Alice at Shiela Guo at Ong para makatakas.

“Hindi po natin ito palalagpasin at we will file the criminal and administrative cases, but it is not impossible na meron pong tumulong,” pahayag pa ng opisyal.

EVELYN GARCIA