(Pinag-aaralan ni BBM) 5 TAONG TERMINO NG BRGY EXECS

ANG PAGBUBUO ng batas na mag-aamyenda sa mga termino ng mga opisyal ng barangay ay isa sa mga hakbang na pinag-aaralan ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ginawa ni Executive Secretary-designate Vic D. Rodriguez ang anunsiyo matapos siyang papurihan ng 142 barangay ng Quezon City para sa kanyang mga nagawa bilang public servant.

Sa naturang event, tinanong si Rodriguez kung matutuloy ang barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Disyembre.

“Pinag-aaralan nating mabuti ang plus at minus ng paggastos o panawagan para sa halalan at wala pang tiyak,” aniya.

“But we are open to all options that are being presented to us including the possibility of passing a law and making the term of barangay captains to five years, still subject to three terms,” pahayag ng incoming executive secretary.

Ipinaliwanag niya na para sa kanya, bilang dating kapitan ng barangay, ang pag-amyenda sa kasalukuyang termino sa limang taon na may limitasyong tatlong termino ay mas makakabuti sa pamamahala ng barangay kaysa sa kasalukuyang ginagawa ng patuloy na pagpapalawig sa pamamagitan ng pagpapaliban sa halalan sa barangay.

“For me as a former barangay captain, I think mas may wisdom na gawin nating five years ‘yan kesa extension, extension, extension, and extension because we are working against the spirit of our law, the bible of the Local Government Units – the 1992 Local Government Code. So instead of violating the spirit of the law, we might as well extend natin siguro ‘yan and provide stability in your leadership, provide stability in governance,” dagdag nito.

Noong 2019, nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ang Republic Act 11462 na nagpapaliban sa May 2020 Barangay at SK polls sa December 2022.

Ang huling Barangay at SK elections ay idinaos noong May 2018, na dalawang ulit na naipagpaliban.

Dapat ay noong October 2016 ito idaraos.

Sinabi rin ni Rodriguez na magbibigay ito ng mas mataas na antas ng pananagutan, lalo na sa Mandanas-Garcia ruling na itinakda para sa pagpapatupad ngayong taon na magbibigay ng karagdagang pondo sa local government units (LGUs) hanggang sa mga barangay.

Sa kasalukuyan, ang IRA ng LGU ay nagmumula sa 40% ng pambansang buwis sa panloob na kita na kinokolekta ng BIR.

Sa pagpapatupad ng ruling ng Mandanas-Garcia ngayong taon, inaasahang magkakaroon ng 27.61% na pagtaas ang mga LGU sa kabuuang bahagi ng IRA.

Sa panahon ng kampanya, ipinahayag ni Marcos ang kanyang intensyon na isama sa kanilang mga priority bill, ang mga hakbang sa pag-amyenda sa mga batas na namamahala sa barangay tulad ng kanyang panukala noong siya ay senador na palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay mula tatlo hanggang limang taon.

“Pag sindundan natin strictly ang Local Government Code (LGC), tayo ay magkakaroon ng halalan, national elections, mid-term elections, merong SK elections, at merong pang barangay elections, kada taon”, pagbibigay diin nito.

“Alam naman natin na kapag puro eleksyon ang ating ginagawa ay hindi natin matatapos ang gusto nating tapusin na trabaho. Palitan na lang natin ang term ng mga barangay officials at gawin na nating five years, two terms,” pahayag noon ni Marcos sa isa sa kanyang mga kampanya.