PINAG-IISIPAN BA NG HUSTO NG BANGKO SENTRAL ANG DISENYO NG ATING SALAPI?

MABUTI  na lang at may tumayong mambabatas at kinuwestyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa mga pinapalabas nilang bagong disenyo ng ating mga salapi. Sa totoo lang, ang mga bagong labas na barya ng BSP ay nakakalito. Ang sukat at disenyo ay halos pare-pareho. Ang mga bagong piso ay pinaliit na minsan ay napagkakamalan mong singkwenta sentimos. Ang mga bagong limang piso ay halos kamukha ng dating piso. Ang sumunod naman ay ang mga bagong bente pesos ngayon ay barya na rin. May mga lumabas pang bagong mga isang daang piso na medyo kulay asul na halos kasing kulay ng isang libong piso. Ano ba yan?!

Kaya naman minsan ay pinapabilang ko na lang sa kahera o kahit sa ano mang tindahan kung tama ang mga ibinibigay kong barya sa kanila bilang aking pambayad. Ano ba ang nangyari sa BSP? Parang hindi nila nauunawaan ang ordinaryong mamamayang Pilipino. Sa hirap ng buhay at paghahanap ng sapat na kita upang mabuhay sa gitna ng pandemya ay dinadagdagan pa nila ng pag-iisip sa uri at halaga ng kanilang salapi na dapat ibayad. Puwede bang huwag na tayo pinahirapan ng BSP sa aspetong ito?

Ngayon naman, planong maglabas ng BSP ng bagong serye ng isang libo na agila ang nakalagay.

Tatanggalin na nila ang tatlong bayani na nakalagay sa ating isang libo. Ito ay sina Supreme Court Justice Jose Abad Santos, social worker Josefa Llanes Escoda at si Brig.Gen. Vicente Lim. Sila ay simbolo ng pakikibaka laban sa mga Hapon at nagbuwis ng kanilang buhay noong ikalawang digmaan o World War 2 (WW2). Haaaays.

Kaya naman naglabas ng pahayag si Sen. Nancy Binay kamakailan na ang mga pagbabago ng disenyo ng ating mga salapi ay dapat dumaan muna sa Kongreso at sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bago ito ay ipalabas sa publiko.

Nagsalita na si Binay bilang tugon ng mga mamamayan na nagbigay ng negatibong reaksiyon na naging viral sa social media laban sa planong pagpapalit ng disenyo ng bagong serye ng isang libong piso. Sabi nga ni Binay na kung ang pagpalit ng mga pangalan ng kalye at paaralan ay dumadaan sa aprubal ng Kongreso, bakit daw ang BSP ay hindi dumadaan sa ganitong proseso?

“Redesigning our money should have the concurrence of Congress and the NHCP because it has relevance and implications in history, and there’s a higher purpose to what image or content should be printed on notes and coins,” sabi ni Sen. Binay.

Sa totoo lang may nauna nang nagsalita laban sa plano ng BSP na palitan ang tatlong mga bayani natin sa disenyo ng ating isang libong piso kapalit ng Philippine eagle. Ang VFP Sons and Daughters Association, Inc. (SDAI) na isang national association ng mga direktang kamag-anak ng mga beterano at mga nasawi sa WW2 ay pumalag sa hakbang ng BSP ukol dito.

“These heroes represent the best in the Filipino: bravery, sacrifice and love for the country, (and) they gave their lives for the cause of freedom and democracy. They serve as role-models for our generation today,” ang pahayag ng SDAI.

Kaya naman nananawagan ako sa BSP na ayusin naman nilang mabuti ang mga disenyo ng mga barya at salapi na kanilang ipapalabas. Sa palagay ko ang hakbang na ito ay tinapat sa pagpapalabas ng nasabing panibagong P1,000 sa Abril dahil dito rin babaha ng pera isang buwan bago mag-eleksiyon. Sana ay mali ako rito.