AYON sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaari na silang magdeklara ng pagsisimula ng El Niño sa susunod na linggo, kaya pinaghahanda ang lahat ng mga Pilipino para rito.
Ang El Niño ay ang pag-iinit ng tubig sa dagat na nagdudulot ng iba’t ibang epekto at pagbabago sa ating kapaligiran.
Maaari itong magdulot ng ‘di normal o kulang na pag-ulan na siyang makaaapekto sa mga pananim, suplay ng pagkain, alagang hayop at lamang-dagat at korales, at siyempre, sa mga aktibidad o gawain ng tao. Posibleng maranasan ang tagtuyot at mas malakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Bukod sa panawagan sa publiko upang maghanda sa paparating na El Niño, sa palagay ko ay mas matindi ang nararapat na paghahandang ginagawa (o ginawa na sana) ng pamahalaan para rito.
Maaaring parehong baha at tagtuyot ang ating harapin, bukod pa sa matinding epekto sa ating ekonomiya, kalusugan, at suplay ng pagkain, kaya umaasa at nananalangin tayong lahat na handa nga sana ang mga ahensiya ng pamahalaan para sa mga posibilidad na ito.
Ayon sa mga eksperto, hanggang sa susunod na taon tatagal ang El Niño phenomenon, kaya mahaba-habang paghahanda at pagtitiis ang hinaharap ng malaking bahagi ng populasyon hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati na rin isa iba’t ibang lugar sa daigdig.
Kaalinsabay ng paghahanda para sa El Niño ang climate change efforts ng bansa, kabilang na rito ang paggamit ng clean energy at pagtupad sa mga kasunduan sa mga pandaigdigang hakbang upang masugpo ang global warming.