PINAGHANDAAN ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ipatutupad na seguridad sa gaganaping FIBA Basketball World Cup sa Pilipinas.
Inihayag ng PNP na nasa mahigit apat na libong pulis ang kanilang idedeploy sa Metro Manila at Central Luzon habang ginaganap ang FIBA.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, bukod sa nasabing puwersa ay ayudahan din sa PNP ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Red Cross (PRC).
Nabatid na ikakalat ang nasabing puwersa sa mga itinakdang playing venues kabilang ang Philippine Arena, Araneta Smart Coliseum at maging sa SM Mall of Asia Arena at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng tao.
“May mga soft deployment na tayo particularly diyan sa mga airport at doon sa mga building area.
Simula kahapon ay nagsimula nang magdatingan ‘yung mga participants at delegates kaya mayroon na tayong deployment,”ani Fajardo sa ginanap na balitaan.
Naniniwala ang pamunuan ng pulisya na matitiyak nila ang kaligtasan at seguridad sa nasabing international ball game at maging ang kaligtasan ng participants o delegates at maging ang mga manonood. VERLIN RUIZ