PINAIGTING ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga pagsisikap nito laban sa pagbebenta ng vape products sa minors kasunod ng unang vape-related death sa bansa.
Alinsunod sa Republic Act (RA) 11900, o ang Vape Law, pinalakas ng DTI ang strategic enforcement efforts nito upang mapigilan ang mga kabataan na magkaroon ng access sa mga vape product.
“Meron tayong mga webinar at mga advocacy projects with Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), regarding sa mga vape awareness, kung ano ‘yung bawal at ano ‘yung kailangang pag-ingatan pagdating sa vape,” pahayag ni Assistant Secretary on Consumer Protection Group, Attorney Amanda Nograles sa isang public briefing kahapon.
“Meron ding tayong ine-explore na Memorandum of Agreement with the DepEd kasi nga po tinitignan natin kung paano mae-educate ang mga kabataan on the dangers of vaping. Meron din po tayong tayong partnerships with DILG and LGUs para magkaroon tayo ng mga joint enforement efforts,” dagdag pa ni Nograles.
Aniya, nakikipagtulungan din sila sa ilang non-government units tulad ng HealthJustice, Social Watch PH, PLCPD, Child Rights Network, at Campaign for Tobacco-Free Kids.
Sinabi pa ni Nograles na ang mandatory registration para sa vape products ay naging epektibo ngayong buwan, na nangangahulugan na walang vape products ang makakapasok sa merkado na hindi dumaan sa registration process ng DTI.
Kailangan, aniya, na kumuha ang vape manufacturers at importers ng Import Commodity Clearance (ICC) application o Philippine Standard (PS) license sa DTI bago ang September 2024.
Binigyang-diin pa ni Nograles na patuloy ang DTI sa panghuhuli sa mga physical store at online store, gayundin ang kanilang online monitoring.
Babala ng DTI, sa ilalim ng vape law, ang mga lalabag na indibidwal ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P20,000.
Kung ang violator ay isang manufacturer, distributor, o retailer, ang multa ay mula P100,000 hanggang P5,000,000.
Posible rin ang parusang pagkakakulong kung ang kaso ay isinampa sa prosecutor’s office.
“Para sa ating consumers, paalalaa lang po galing sa DTI na bawal na bawal ang vape para sa menor de edad, dapat bawal po natin silang i-expose, bawal na bawal na bigyan sila ng advertising pagdating sa vape,” babala ni Nograles.
Noong May 31, 2024 ay iniulat ng Department of Health ang pagkamatay ng isang 22-year-old Filipino male dahil sa atake sa puso kasunod ng severe lung injury, na iniuugnay sa araw-araw niyang paggamit ng vape sa loob ng dalawang taon.