(Pinaiimbesigahan sa BFAR) NAHUHULING ISDA SA ZAMBALES KUMAUNTI

isda

NAIS ni Senadora Risa Hontiveros na imbestigahan ng  Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pag-unti ng nakukuhang isda ng mga mangingisdang Filipino dahil sa pananatili ng Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag kasunod ng reklamo ng mga mangingisda sa Zambales na mula sa dating P4,000 na kita sa pangingisda, ngayon ay halos wala na silang nahuhuling isda dahil sa presensiya ng 20 Chinese vessels sa WPS.

Giit ni Hontiveros sa BFAR, alamin kung magkano ang nawawala sa mga Pinoy dahil hindi sila makapangisda nang malaya.

Paliwanag ni Hontiveros, hindi lang ito pagbibigay proteksiyon sa karapatan at legal na hurisdiksiyon ng bansa sa West Philippine Sea kundi para rin sa food security.

“Ano na ang kakainin ng ating mga mangingisda kung pati ang mismo nilang huli ay inaagaw rin ng Tsina at ano na ang magiging kabuhayan nila kung may mga barko ng Tsina na hinaharangan ang kanilang paglayag sa sarili nating karagatan,” sabi ni Hontiveros

Hiniling din ng senadora sa BFAR at Department of National Defense (DND) na samahan ang mga mangingisda kung kina-kailangan para siguradong makapaghanapbuhay sila. LIZA SORIANO

3 thoughts on “(Pinaiimbesigahan sa BFAR) NAHUHULING ISDA SA ZAMBALES KUMAUNTI”

Comments are closed.