(Pinaiimbestigahan sa DTI) PRESYO NG TUYO, DILIS SUMIPA

tuyo

NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang napaulat na pagtaas sa presyo ng tuyo at dilis sa mga palengke at kakaunti na lamang ang nabibili ng mga mahihirap sa bawat tingi nitong naka-balot o nakapakete.

Ayon kay Poe, kailangang kumilos kaagad ang DTI matapos umanong umabot na sa P300 hanggang P400 ang presyo ng kada kilo ng tuyo at ang dilis naman ay nasa P400 hanggang P600 ang kilo.

“‘Yung mga kababayan nating mahihirap, nagtitiis na lamang sa pagbili ng tingi pero ang masakit nito, tingi na nga lang, ang mahal pa ng nabibili nilang tuyo at dilis sa bawat paketeng maliit.  Halos ilang pirasong tuyo na lang at kakarampot na dilis ang laman nito,” ani Poe.

Sinabi pa ng senadora na napipilitan ang mga pamilyang bumili ng tuyo at dilis na nakapakete dahil ito lamang ang kanilang nakakayanan. Sa halagang P20, limang pirasong tuyo ang mabibili, at ang dilis naman sa loob ng isang maliit na balot ay P20 rin ang presyo.

Idinagdag ni Poe na napakalaki ang ipinapatong ng mga mapagsamantalang negosyante sa mga itinitindang tuyo at dilis samantalang mababa naman nilang nabibili ito ng wholesale sa mismong mga pamilihan o angkatan ng dried fish.

Ang tuyong salinas ay nasa P180 hanggang P200 ang kilo at ang tuyong galunggong ay nasa P160 kada kilo. Ang karaniwang dilis naman ay nasa P250 hanggang P270 ang kilo at ang first class ay nasa P350. Ang dulong ay nasa P400 ang bawat kilo.

“Tila sobrang taas ng ipinapatong sa presyo ng tuyo at dilis at kung minsan, hindi magandang klase ang ipinagbibili. Ito na nga lang ang kayang bilhin ng mga kababayan nating mahihirap at napagsasamantalahan pa sila,” dagdag pa ni Poe.

Kaugnay nito, nanawagan din si Poe sa mga lokal na pamahalaan na kaagad gumawa ng kaukulang aksiyon at tulungang sugpuin ang anumang pagsasamantala sa mga mamimili sa mga palengkeng kanilang nasasakupan. VICKY CERVALES

Comments are closed.