(Pinaiimbestigahan sa Kamara) PWD ID FOR SALE

PWD ID

PINASISILIP ni ACT CIS party-list Rep. Eric Go Yap sa Kamara ang paglaganap ng Persons With Disability (PWD) ID for sale.

Sa House Resolution 454, pinaiimbestigahan ni Yap in aid of legislation ang implementasyon ng PWD law, gayundin ang proseso ng pag-iisyu ng PWD ID cards.

Ang hiling na pagsisiyasat ay makaraang masaksihan mismo ni Yap ang paggamit ng isang pamilya ng PWD ID na kanyang nakasabay sa isang restaurant.

Bagama’t wala siyang makita agad na kapansanan sa mga ito, nagduda si Yap na halos lahat ng miyembro ng pamilya ay may PWD ID.

Dahil dito, sinubukan ni Yap na pakuhain ang isa nitong kaibigan ng PWD ID na nakakuha naman nang walang kahirap-hirap.

Para ma-justify na tama ang kanyang paniniwala na napepeke ang mga PWD ID ay nagpakuha pa ulit siya sa 15 tao na agad ding nabigyan ng identification cards sa halagang P3,000 bawat isa.

“Itong fake PWD kumakalat na ito, inilalako na ito… ‘Di ba ‘yung polio nga kumakalat nagkakaroon ng outbreak, magkakaroon na rin po ng outbreak nito kasi nilalako na, e. Kung sino-sino ang nakapaglalako,” ani Yap.

Dahil dito, hiniling ng kongresista na siyasatin ito ng Kamara dahil maraming mahihirap na may kapansanan ang hindi nakakakuha ng ID card dahil walang perang panlakad para sa requirements.

Hinamon din ng kongresista ang mga alkalde at LGUs na silipin ang proseso sa pagkuha ng PWD ID.

“I-check ninyo po lahat kung tama, kung registered po kasi may mga number ito. ‘Yung mga PWD number i-check ninyo kung tama, ngayon ipa-review ninyo iyong mga sakit nila. Ipa-review ninyo iyong mga medical certificate nila, Isa-isahin ninyo.” CONDE BATAC

Comments are closed.