HINILING ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa liderato ng Kamara na atasan ang kaukulang komite na magsagawa ng pagsisiyasat hinggil sa ginagawang panghuhuli ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga nagtitinda ng imported na isdang pompano at pink salmon sa mga palengke.
Sa inihain niyang House Resolution (HR) 600, sinabi ni Barzaga na nagtataka siya kung bakit ipinagbabawal ng nasabing ahensiya ang pagbebenta ng naturang fish products sa mga pamilihan gayong pinapayagan naman ang tinaguriang “institutional buyers”, gaya ng mga hotel at restaurant, na makapaghain nito sa kanilang customers.
“The crackdown prevents the average Filipino consumer access to buy fish such as pampano and salmon at a much lower price and are precluded to buy only in “specialized restaurants, hotels, airline catering,” pahayag pa ng Dasmariñas City solon, na siya ring chairman ng House Committee on Natural Resources.
Dagdag ni Barzaga, hindi niya maintindahan kung bakit may crackdown ang BFAR personnel sa mga market vendor na nagbebenta ng imported pompano at pink salmon sa kabila na may inisyu ang Department of Agriculture (DA), nito lamang Nobyembre 10, na Certificate of Necessity to Import (CNI) ng 25,000 metriko tonelada ng frozen fish.
Habang ang BFAR naman ay ginagamit ang itinatakda ng Fisheries Administrative Order 195, na nagsasabing pinapayagan lamang ang pag-angkat at pagbebenta ng imported na pompano at pink salmon para lamang sa canning, processing at “institutional buyers”.
Upang mabigyan ng linaw ang usapin, nais ni Barzaga na magkaroon ng Congressional inquiry kung saan maaaring makabalangkas ang mga kongresista ng kaukulang panukalang batas o kaya’y magbigay ng rekomendasyon sa DA at BFAR patungkol sa bentahan ng imported fish products.
ROMER R. BUTUYAN