HINILING ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasagawa, partikular ng House Committee on Agriculture and Food, ng imbestigasyon sa umano’y posibleng pagkakaroon ng manipulasyon at hindi katanggap-tanggap na pagtaas sa presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa bansa.
Sa inihaing House Resolution 673 nina Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, pinuna nila ang pagsipa sa presyo ng sibuyas at iginiit ang pangangailangang matukoy ang tunay na kadahilanan nito.
Ayon sa nabanggit na mga kongresista, noong Setyembre hanggang Oktubre ng nakaraang taon, nagsimulang tumaas sa P300 hanggang P400 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas.
Subalit pagsapit ng December 2022, mismong ang Department of Agriculture (DA) pa ang nagpahayag na pumalo sa P500 hanggang P720 ang presyo ng kada kilo ng local red onions, habang P600 kada kilo naman ang local white onions.
Matapos nito, ngayong Enero, nagtataka ang mga Makabayan bloc solon kung bakit nagpatupad ang DA ng suggested retail price na P250 kada kilo ng sibuyas.
Pagbibigay-diin nila, masyadong malayo ang nabanggit na presyo kada kilo sa mga pamilihan gayong nasa P25 hanggang P27 lamang umano ang farmgate price ng sibuyas noong kalagitnaan ng Nobyembre ng nakaraang taon.
Malaki ang paniniwala ng Makabayan bloc na ang nakabibiglang pagmahal ng sibuyas ay resulta ng talamak na smuggling ng naturang agricultural product, na bigong resolbahin ng DA, gayundin ng Bureau of Customs (BOC).
Kaya naman bukod sa paghimok na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon ang nasabing House panel, umaapela rin ang tatlong kongresista kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siyang tumatayong Agriculture secretary, na maglabas ng direktiba para matigil na ang pagmanipula ng mga negosyante sa presyo ng sibuyas at agarang supilin ang masamang gawain ng smugglers.
ROMER R. BUTUYAN