CAMP CRAME – ITINUTURING na solved ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pagpatay kay dating Batangas 2nd District Representative Atty Edgar Mendoza, driver at aide nito sa Tiaong, Quezon.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, ito ay matapos na maaresto ang lima sa mga suspek at matukoy ang mastermind o principal suspect sa kaso.
Nakapagsampa na rin aniya ang Criminal Investigation and Detection Group ng three counts of murder laban sa anim na suspek sa Calamba City Prosecutors Office.
Sa ngayon, ayon kay Gamboa nagpapatuloy ang paghahanap nila sa ibang suspek sa krimen.
Samantala, sa imbestigasyon ng PNP CIDG, sinabi ni CIDG Director Police Brig Gen Joel Coronel na natukoy nila ang mastermind sa krimen na si Sherwin Sanchez, bilanggo sa New Bilibid Prison at may kasong murder.
Kasabwat nito ang kanyang kapwa inmate na si Arthur Fajardo sa planong pagpatay kina Mendoza, aide nitong si Ruel Ruiz at driver na si Nicanor Mendoza.
Naisakatuparan ang pagpatay sa tatlo matapos na kontakin ni Arthur Fajardo ang kanyang asawang si Jael Fajardo na siyang gumawa ng paraan para maisagawa ang plano.
Ang mga naarestong suspek ang naging kasangkapan para mapatay ang tatlong biktima na sina Kristine Fernandez, caretaker ng lugar kung saan nagkape ang mga biktima at pinatay, Madonna Palermo, naglagay ng sleeping pills sa ininom na kape ng mga biktima, at Carlo Acuña, ang nagsundo sa mga biktima para makarating sa meeting place.
Nang makatulog ang mga biktima ay saka sila pinagsasaksak saka pinalo sa ulo ng suspek na si Rodel Mercado sa isang Villa sa Calamba City.
Nang masigurong patay na, ibiniyahe ang kanilang bangkay ni Erikson Balbastro at dinala sa Tiaong, Quezon at doon sinunog.
Sa ngayon, pinaghahanap pa si Rodel Mercado at dalawang john doe.
P100,000 ang ibinayad ng mastermind na si Sanchez sa gumawa ng krimen pero ayon kay Coronel 10,000 pa lamang ang naibibigay sa mga ito.
Sa imbestigasyon, lumalabas na kliyente ni Mendoza si Sanchez subalit nang naniningil na ang abogado ay hindi nagbayad at sa halip ay plinano na ang pagpatay. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ
Comments are closed.