PINAKABAGONG DIVERSION ROAD SA CALABARZON BUBUKSAN NA

QUEZON- INIHAYAG ng mga opisyal ng DPWH- Quezon 3rd District Engineering office na malapit nang daanan ang pinakabago at konkretong diversion road na lalong magpapabilis sa takbo ng transportasyon sa dulong bahagi ng lalawigang ito patungong Bicol province na kokonekta sa mga lakbayin papuntang Visayas at Mindanao.

Ito ang napag- alaman kay District Engineer Jorge Pasia kung saan ipinaliwanag nito na ang nabanggit na highway/diversion road ay may habang 8.337 kilometro na nagtataglay ng 4- lane na konkretong kalsada at 4-two lane na tulay na nag-uugnay sa mga Barangay Canculajao, Cawayanin, Tagbacon at Pacabit.

Ayon kay DPWH Region 4A Director Jovel Mendoza, ang nasabing bagong proyekto ng ahensiya ay magsisimula sa Sitio Mangarong, Barangay Matandang Sabang Kanluran at magtatapos sa Sitio Matungao, Barangay Madulao.

Idinagdag pa ni Mendoza na ang bagong diversion road ay magbubunga ng mas maunlad na ekonomiya sa lugar dahil sa mga bago at konkretong daan na lalong magpapabilis sa mga uri ng transportasyon na nagtataglay ng mga commercial products at serbisyo.

Sinabi naman ni Pacia na magiging malaking oportunidad sa mga taga Catanauan at mga karatig bayan ng Mulanay, General Luna, Lopez at Buenavista ang malapit ng matapos na diversion road para mapadali ang kanilang pagbibiyahe patungo sa anumang uri ng kanilang hanapbuhay at mga personal na transaksiyon sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna at maging sa Metro Manila dahil sa maikling oras nilang gugugulin sa daan.

Ang nabanggit na diversion road ay makakaakit din sa mga local at international tourist dahil sa taglay na ganda ng tanawin sa lugar. ARMAN CAMBE