SA mahigit na tatlong (3) milyong naninirahan sa probinsya ng Pangasinan, sobra sa kalahati ang lumahok sa mahabang caravan at nakibahagi sa bawat grand rally ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasama ang ilang mga senador sa UniTeam.
Sa tala ng Philippine National Police (PNP) kung pagsasamahin ang bilang ng taong naghintay at sumama sa programa ni Marcos sa dalawang araw na pagbisita nito sa Pangasinan, na katuparan ng kanyang nauna nang ipinangako, tinatayang aabot sa dalawang (2) milyon ang lumabas sa kanilang mga tahanan para masilayan ang dating senador.
Umulan man o umaraw di nagpatinag ang mga taga-hanga ng BBM-Sara UniTeam, walang humpay ang sigawan at hiyawan sa tuwing makikita ang kanilang pinakamamahal na pambato.
Di masukat ang kaligayahan at abot tenga ang ngiti ng mga tao sa tuwing nahahawakan at kahit na madampi lang ang kamay ni Marcos.
Ang 77 taong gulang na senior citizen na si Cezar Acosta na taga Brgy. Dumapot, Santa Maria, Bulacan ay matiyagang naghintay sa caravan upang maiabot ang kanyang ipinintang larawan kay Marcos.
Agad namang napansin ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang matanda, bahagyang nalampasan pero huminto at mabilis na itinuro ang matanda at pinirmahan ang kanyang likha na lalong nagpaantig sa damdamin ng bawat Pangasinense.
Mangiyak-ngiyak naman sa galak si Acosta at masayang ikinwento ang kanyang magandang karanasan sa pamamahala ng dating presidente at ama ni Bongbong na si Ferdinand E. Marcos Sr. at aniya mahal niya ang mga Marcoses noon pa man kaya solid-BBM ang kanyang buong pamilya.
Isa rin si Jemuel Bagitan, 47 taong gulang na lider ng mga magsasaka na maagang gumising para sumali sa caravan, kasama ang kanyang mga miyembro sabay-sabay na pinaandar ang kanilang motorsiklo at sumabay patungo sa “tagumpay” ika nga nila.
Mapa-matanda, bata, dalaga at binata, lahat ay hindi nagpapahuli sa pag-asang handog ni Marcos, mga grupong nagsagawa ng iba’t-ibang eksena, may ilan na nagsuot ng costume tulad ng pulang ibon na may malaking pakpak na tila nagpapahiwatig na kasama siya sa paglipad ng BBM-Sara sa pagtupad ng pangarap para sa bawat Pilipino.
Mga tricycle drivers na ginawang patungan ang bubong ng kanilang sasakyan, may nagaakyatan sa puno , kumuha ng mga hagdan para maiangat ang kanilang sarili para makita ang kanilang hinahangaan na kandidato.
Sa hindi maubos na tao na makikita sa bawat kalsadang dinadaan ng caravan iisang pangalan lang ang maririnig at paulit-ulit nilang sinisigaw na tila naging normal na sa puso at bibig ng mga supporters at yan ang “BBM o Marcos pa rin!”
Sabayan pa ng ingay na dala ng busina ng daang libong motorcyle riders, bikers at mga malalaking sasakyan na nakiisa sa caravan ng BBM-Sara Uniteam.
Maituturing na tagumpay ang dalawang araw na pagbisita ng UniTeam sa Pangasinan na dinaluhan ng mga ibat-ibang personalidad at malalaking pulitiko ng probinsya.
Maliwanag na buo ang kanilang suporta sa UniTeam at kitang-kita ang pagkakaisa ng lahat para sa tambalang Marcos at Duterte.