SUMADSAD ang global food prices sa halos three-year low noong December 2023 sa likod ng pagbaba sa presyo ng asukal, vegetable oils at karne, ayon sa UN Food and Agriculture Organization (FAO).
Ang FAO food price index ay bumaba ng 1.5 percent mula sa naunang buwan sa 118.5 points noong December 2023, ang pinakamababang level magmula noong February 2021.
Ayon sa report ng UN food agency, para sa kabuuan ng 2023, ang index ay nagtala ng 124 points – mas mababa ng 19.7 points o 13.7 percent kumpara sa average value noong 2022.
Ang FAO food price index ay isang trade-weighted index na sumusubaybay sa international market prices ng limang major food commodity groups.
Ayon sa report, ang sugar price index ay bumaba ng 16.6 percent month-on-month noong December 2023, sa likod ng malakas na produksiyon sa Brazil.
“The vegetable oil price index went down by 1.4% from November 2021 as prices across palm, soy, rapeseed, and sunflower seed oils declined due to subdued purchases from major importers,” nakasaad pa sa report ng FAO.
Samantala, ang FAO meat price index ay bumaba ng 1% sa kaparehong panahon, sa pangunguna ng tuloy-tuloy na mahinang import demand mula sa Asia para sa karne ng baboy.
Tumaas naman ang cereal price index ng 1.5% mula sa naunang buwan dahil sa weather-related logistical disruptions sa ilang major exporters at sa tensiyon sa Black Sea sa gitna ng solid demand.
Lumakas din ang dairy price index ng 1.6 percent noong December 2023 sanhi ng mas mataas na price quotations para sa butter, whole milk powder, at cheese.