NAITALA sa kauna- unahang pagkakataon ngayong 2021 ang pinakamababang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Acting Pesidential Spokesman Cabinet Secretary Karlo Nograles, na mababa sa 20,000 ang naitalang aktibong kaso nitong Nobyembre 22.
Pumalo lamang aniya ito sa 19,798, kauna- unahang pinakamababang aktibong kaso ngayong taon.
Ayon kay Nograles, nakapagtala aniya ng mababang aktibong kaso ng COVID 19 ang bansa noon pang Hunyo 18, 2020.
Mula sa 19,798 active cases na nai- record noong Nobyembre 22, 56.6% dito ay mild, 4.6% ay asymptomatic, 5.6% ang kritical habang 13. 3% ang nasa severe stage.
“Ito na ang pinakamababa since June 18, 2020. Ang 2.8% positivity rate naman ang pangalawang pinakamababa mula nang naging available ang testing data noong April 2020,” giit ni Nograles.
“Kung matatandaan po natin, March 2020 ang kauna-unahang kaso ng local transmission ng COVID-19 sa bansa. Nasa 97.6% naman ang porsiyento ng gumaling, ibig sabihin, nasa mahigit 2.7 million ang gumaling habang nasa 1.67% ang ating fatality rate,” dagdag pa ng kalihim.
Kasabay nito ay malungkot namang ibinalita ni Nograles na nakapagtala ng 218 sa bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa COVID-19 kung kaya’t mayroon nang 47,288 COVID deaths sa bansa.
Nasa below 40% pa rin aniya ang hospital care utilization rate at sa buong Pilipinas, nasa 32% ang ICU bed utilization; 31% naman ang sa Metro Manila; 17% ang utilized ward beds; 23% naman dito sa Metro Manila.
Muling pinaalalahanan ni Nograles ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols mask, hugas, at magpabakuna kahit pa bumaba na ang bilang ng kaso ng CoVID-19.
Samantala ibinalita din ni Nograles na kahapon ng umaga ay dumating na ang 682,360 doses ng
Moderna vaccine na binili ng pamahalaan.
Base sa datos, nasa halos 76.5 million ang kabuuang bilang ng doses ng bakuna na naiturok sa buong Pilipinas as of November 22, 2021 ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard.
Sinabi ni Nograles na sa bilang na ito, nasa 43.88% o halos 33.8 million na ang fully vaccinated. Habang sa Metro Manila ay higit 100 porsiyento o 10.3 million na ang nakatanggap ng first dose, samantalang 94.04 porsiyento o mahigit 9.1 million na ang fully vaccinated. EVELYN QUIROZ