NAGBUNGA at naging makabuluhan ang pakikipaglaban ng lokal na pamahalaan ng Parañaque sa COVID-19 makaraang makapagtala ng pinakamababang bilang na 87 na nagpositibo sa naturang virus.
Sa ulat ng Parañaque City Health Office (CHO), sinabi ni City Mayor Edwin Olivarez na ang pagtatala ng lungsod ng mas mababa pa sa isang daan na pasyente ng COVID-19 ay dahil sa tamang paraan sa pagtugon laban sa naturang virus.
Sinabi ni Olivarez, isa ring naging dahilan ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 ay ang walang humpay na pag-aasikaso ng mga health workers ng CHO sa mga pasyenteng naapektuhan nito bukod pa sa mahigpit na implementasyon ng health protocols sa mga residente upang hindi pa muling kumalat pa ang naturang virus.
Base sa huling datos ng CHO nitong Linggo, simula nang lumobo ang kaso ng mga nahawahan ng COVID-19 noong nakaraang Marso ay nakapagtala na ang lung-sod ng 6,619 kumpirmadong kaso at ang mga nakarecover dito ay umabot na sa 6,365 habang mayroon naman na 167 ang sumakabilang buhay na.
Ayon pa kay Olivarez, patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay serbisyo sa mga residente sa pagsasagawa ng libreng swab testing upang matukoy kung sino sa mga ito ang nahawahan ng nasabing virus at agad na binibigyan ng atensiyon medical para sa mabilis na paggaling gayundin ang pamamahagi ng food packs, washable face masks at face shields. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.