(Pinakamabilis sa loob ng halos 4 na taon)JUNE INFLATION SUMIPA SA 6.1%

BSP-INFLATION

SA IKA-4 na sunod na buwan ay bumilis ang inflation sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Iniulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na pumalo sa 6.1% ang inflation noong Hunyo, mas mabilis sa 5.4% noong Mayo 2022 at sa 3.7% noong Hunyo 2021.

Ang parehong rate ay naitala noong Nobyembre 2018, at ito ang pinakamataas magmula nang mairehistro ang 6.9% noong Oktubre 2018.

Ang June inflation ay pasok sa 5.7-6.5% range na projection ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa naturang buwan.

Dahil dito ay naitala ang average inflation para sa first half ng 2022 sa 4.4%, mataas sa 2-4% target ng central bank para sa 2022.

Ang mas mabilis na inflation ay naitala sa food and non-alcoholic beverages; non-food items; housing, water, electricity, gas, and other fuels; at furnishings, household equipment, at routine household maintenance.

“Food and non-alcoholic beverages accounted for more than half of June’s inflation uptrend. Meat, mainly chicken; rice; and fruits and nuts pushed up the commodity group’s prices,” ayon sa PSA.

Tumaas din ang transport prices ng 17.1%, nag-ambag ng 31.7% sa overall uptrend para sa buwan kung saan sumirit ang presyo ng gasolina ng 53.9%, diesel ng 92.5%, at iba pang passenger transport prices ng 2.7%.

Ayon kay Mapa, ito ang pinakamataas magmula noong Agosto 2008, nang maitala ang transport inflation sa 17.6% sa panahon ng financial crisis.

Ang inflation sa National Capital Region (NCR) ay naitala sa 5.6%, mas mabilis sa 4.7% noong Mayo at sa 2.6% sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Sa lahat ng areas outside NCR (AONCR), umakyat ito sa 6.3% mula 5.5% noong Mayo.

Ang Cordillera Administrative Region at Central Luzon ang nagposte ng pinakamataaas sa 7.5% habang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nagposte pa rin ng pinakamababa sa 3.1%.