OPISYAL na idineklara ng Guinness World Records ang bayan ng Silang sa lalawigan ng Cavite sa Pilipinas ang may pinakamahabang candle lit relay kamakalawa ng gabi.
Base sa tala ng GBWR, aabot sa 621 nakasinding kandila ang naitala sa nasabing bayan kumpara sa naitalang world record na hawak ng bansang India na 366 kandilang nakasindi noong Oktubre 14, 2016.
Pinangunahan nina Silang Mayor Kevin Anarna, Vice Mayor Edward Carranza, mga konsehal at municipal employees ang candle lit relay kung saan nakamasid ang ilang personnel ng GBWR.
Nauna nang kinabahan ang nasabing alkalde dahil aabot lamang sa 37 candle lit sa unang attempt habang sa ikalawang attempt naman ay 120 candle lit.
Sa pahayag ng Guinness Book of World Records na hindi puwedeng umalis sa linya ang mga nagboluntaryo hangga’t hindi natatapos ang candle lit relay kung saan matiyagang minonitor ng adjudicator official na si Kazuyoshi Kirimura ng Japan.
Binigyan ng ikatlong pagkakataon ng GBWR ang nasabing grupo kung saan pinanghinaan ng loob si Mayor Anarna subalit sa panalangin ng taumbayan sa kanilang Patron Nuestra Senora De Candelaria ay unti-unting dumagsa ang 2,500 residente na may hawak ng kandilang nakasindi.
Nagsimula ang candle lit relay sa pintuan ng simbahan kung saan umabot sa may isang kilometro ang linya hanggang sa town plaza na umabot sa apat na oras ang pagkakatayo ng mga nakilahok kasunod ng official awarding ang record breaking attempt ng bayan ng Silang sa Cavite. MHAR BASCO