BUMAGSAK ang halaga ng piso kontra dolyar sa ikatlong sunod na trading day nitong Huwebes upang magsara sa P59:$1 level.
Napantayan nito ang worst showing ng local currency na naitala, dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang huling pagkakataon na ang local currency ay ganitong kababa ay noong October 17, 2022.
Ang local unit ay nagsara nitong Huwebes sa P59:$1, humina ng 9 centavos mula sa P58.91:$1 noong Miyerkoles.
Ang paghina ng piso ay kasunod ng paglakas ng US dollar laban sa karamihan sa global currencies makaraang sabihin ng mga analyst na hindi posibleng magpatupad ang US Federal Reserve ng panibagong interest rate cut sa susunod na buwan.
Nauna nang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang paghina ng piso ay hindi dahil mahina ito kundi dahil malakas ang US dollar at humina rin ang iba pang currencies kontra dolyar.
Ayon pa sa BSP, sinusubaybayan nito ang paggalaw ng piso kontra dolyar, subalit hindi ito masyadong nababahala sa paghina, dahil hinahayaan nito na ang merkado ang magdikta sa paggalaw.
“We don’t worry so much about whether the peso depreciates. We worry about the pass-through effect, pero ngayon medyo okay pa naman (but for now, it’s still okay),” wika ni BSP Governor Eli Remolona Jr.
“If it depreciates very sharply, then we talk. Kung hindi naman very sharply, it doesn’t become inflationary. It’s inflationary kung medyo sharp at tsaka tuloy-tuloy. Hindi kami nakikialam dun sa day to day movements,” dagdag pa niya.