PINAKAMALAKING BILANG NG CIVIL SERVICE EXAMINEES NAITALA NG CSC

UMABOT sa kabuuang 381,735 indibidwal ang kumuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) para sa Professional at Subprofessional Level sa 94 testing centers sa buong bansa noong nakaraang Linggo, Marso 26.

Ito ang ibinida ni CSC Chairperson Karlo Nograles, kung saan ang nasabing bilang ay katumbas ng 94.56 percent ng mga nagparehistro para kumuha ng nasabing pagsusulit at sa kanyang pagtaya, sa kasaysayan ng pinamumunuan niyang ahensiya ay ito na ang pinakamalaking bilang ng aspiring civil servant examinees.

“This could be the biggest turnout the CSC has had for a single CSE-PPT schedule. Ginawa natin ito dahil batid nating marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagnanais makakuha ng career service eligibility, lalo na iyong mga naapektuhan ng postponement ng exam administration noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic,” pahayag pa ni Nograles.

Nabatid sa CSC head na nasa 331,928 ang kumuha ng CSE-PPT para sa Professional Level at 49,807 naman sa Subprofessional Level.

Sinabi ni Nograles sa base sa kanilang monitoring, sa kabuuan ng pagsusulit ay wala namang naitalang anumang aberya o problema at natapos ito nang maayos at mabuti.

Sa kanya namang pagbisita sa Guiguinto National Vocational High School at Marcelo H. Del Pilar National High School sa mga bayan ng Guiguinto at Malolos sa Bulacan, nagpahayag ng pasasalamat si Nograles sa mga guro, katuwang ang mga local government unit, at iba pang government personnel na nagsilbing room examiners at proctors.

“Kami po sa CSC ay nagpapasalamat sa paglalaan ninyo ng oras at lakas para sa ating exam ngayong araw. Dahil sa inyong dedikasyon na maglingkod kahit sa araw ng Linggo, napapanatili natin ang integridad at kaayusan ng CSE,” sabi ni Nograles.

Paggigiit niya, ang pagbibigay ng CSE-PPT sa mas nakararaming Pilipino sa iba’t ibang parte ng bansa ay bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng oportunidad ang lahat na maging bahagi ng government workforce kung magkakaroon sila ng pagkakataon para sa maayos na paghahanapbuhay at maging isang mahusay na lingkod-bayan. ROMER R. BUTUYAN