NAKARARANAS na ng patuloy na pagtindi ng temperatura ang malaking bahagi ng Pilipinas, kabilang ang Metro Manila.
Inaasahang mas tataas pa ito habang papasok ang buwan ng Abril.
Kasabay naman ng summer, aba’y panahon na ng mangga.
Katunayan, makikita na sa mga pamilihan ang maraming hinog at manibalang na mangga na nagtataglay ng pinakamaraming vitamin A at beta-carotene kaya kulay dilaw ito.
Mainam daw sa atin ang mangga para maiwasan ang panunuyo at maagang pagkulubot ng balat.
Mayaman ito sa vitamin A, C, E para sa malinaw na paningin habang makatutulong din ito sa pag-iwas sa pagkawala ng paningin at marami pang benepisyo.
Maganda itong source ng vitamin B, vitamin K, potassium, sodium, magnesium, copper at iron.
Aba’y sagana rin ito sa fiber at pectin na makatutulong sa pagbaba ng kolesterol at pag-iwas sa prostate cancer at colon cancer.
Dahil mango season na, bumabagsak din ang halaga ng mangga.
Sobra raw ang produksiyon ngayon ng mga mangga.
Kaya sa mga ganitong panahon din, halos ipamigay na lang sa mga tao.
Modernong paraan na rin ang ginagamit ng mga Pilipino kaya agad ding nasusugpo ang mga sakit na nakikita sa mangga tulad ng “kurikong.”
Kung hindi ako nagkakamali, may eksportasyon na naman sa labas ng bansa.
Tila hindi nga lang daw sapat para tugunan ang sobrang produksiyon.
Hindi rin maitatanggi na ibang klase ang produktong mangga sa Pilipinas lalo na ang mga galing sa Cebu, Guimaras, Pangasinan at Zambales.
Sa Zambales, magbabalik na raw ang mango festival ngayong Abril na natigil ng tatlong taon dahil sa pandemya.
Ayon kay Gov. Hermogenes Ebdane, naghahanda na ang provincial government at iba’t ibang community organizations para sa 2023 Zambales Dinamulag Mango Festival.
Tampok daw dito ang 16 major cultural, tourism at sports events na sunod-sunod na gagawin sa loob ng siyam na araw o mula Abril 21 hanggang 30.
Sesentro ang aktibidad sa pinakamatamis na mango fruit, isang local pride na na-validate na rin ng Guinness Book of World Records noong 1995.
Nabatid na ibibida sa Dinamulag Festival, na hinugot ang pangalan mula sa tanyag na carabao mango variety sa Zambales, ang Parayawan Agri-Tourism Showcase & Trade Fair.
Bubuksan daw ito sa festival grounds malapit sa provincial capitol sa Abril 28.
Magkakaroon ng 1st Philippine Mango Derby Open House sa Batungbacal Far sa Palauig, at Luzon Mango Congress sa People’s Plaza sa Botolan sa kaparehong petsa.
Ibibida rin daw nila ang “Mango Eat-All-You-Can” buffet, Zamba-Liwanag Float Parade & Competition, Zambayle Street Dancing Parade & Showdown at marami pang iba.
Kung gusto n’yo namang mamitas ng mangga sa farms, maaari itong maranasan mula Abril 24hanggang Mayo 5 ngayong taon.
Medyo matagal na rin ang industriyang ito sa bansa.
Gayunman, para bang walang tamang direksyon kung paano ito mapapaunlad nang lubos.
Malamang kulang tayo sa kakayahang magproseso ng mga labis na produksyon ng mangga.
Sa ngayon, kung hindi ako nagkakamali, tanging ang Cebu pa lamang ang nakakagawa ng maraming “dried mangoes” na ibinebenta sa pamilihang lokal at sa ibayong dagat.
Nawa’y matugunan ng pamahalaan at ng kinauukulang sektor ang oversupply daw ng mangga para naman magkaroon ng sapat ng kita ang mga may manggahan.