PINAKAMALAKING POGO HUB SA BANSA PINADLAK NA

POGO HUB PINASLANG, DINEMOLIS – Unti-unting ginigiba ang mga partisyon sa mga establisimiyento na tinutuluyan ng mga Chinese sa Covelandia sa Kawit, Cavite. Nasa loob ng nasabing compound ay ilang club, burgerhouse, restaurant, fire station, clinic at iba pang gaming station. Mga kuha ni MHAR BASCO

MAGKAKASABAY na inispeksyon at pinadlak nina DILG Sec. Jonvic Remulla, PAGCOR Chairman Alejandro Teng­co at PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang pinakamalaking Phil. Offshore Gaming Operations (POGO) compound sa bansa na matatagpuan sa Barangay Pulburista sa bayan ng Kawit, Ca­vite kahapon ng umaga.

Bukod sa tatlong opis­yal, kasama rin sa nag-inspeksyon ng mga establisimiyento ng nasabing compound ay sina PNP Regional Director Brig. General Paul Kenneth T. Lucas; Cavite Prov. Director Col. Dwight Alegre, at iba pang opisyal.

Layon ng pagbisita ng mga nasabing opisyal ay matiyak na wala nang nananatiling mga dayuhan partikular ang mga Chinese sa nasabing compound.

Gayunpaman, hindi naman binanggit ang lugar na kinalalagyan ng mga gamit ng POGO.

Sa pagtungo sa nasabing compound, kapuna-puna na unti-unting ginigiba ng mga construction worker ang mga partisyon ng mga gusali na hindi naman binanggit ang bilang ng mga gusali at maging ang mga security guard ay unti-unti na ring nababawasan hanggang sa pagsasara nito sa huling araw ng Disyembre 2024 na mismong ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nais din na maipakita nina Remulla at Marbil na wala nang operasyon ng POGO at pormal ng naipasara ang pinakamalaking POGO hub sa bansa.

Ayon naman kay General Manager Ron Lim ng First Orient Corp., sa kasalukuyan ay wala pang plano ang may-ari ng nasabing compound kung itutulad at gagayahin nito  ang mga establisimiyentong nasa Macapagal Blvd. sa Pasay at Para­ñaque City.

MHAR BASCO