CAMP CRAME – AABOT na sa 243 katao mula sa 2,878 operations sa iba’t ibang panig ng bansa ang nahuli ng Philippine National Police dahil sa paggamit ng vape o electronic cigarette.
Ayon kay PNP spokesperson Brig Gen Bernard Banac pinakamarami sa mga nahuli ay nagmula sa Central Visayas kung saan ay 195 mula sa 280 operations sa nasabing rehiyon at sinusundan ng Metro Manila.
Ginawa ang pag-aresto matapos ang utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga nagbi-vape sa mga pampublikong lugar.
Alinsunod din ito sa Executive Order No. 26 o Providing the smoke free environment at RA 9211 o ang Tobacco Regulation Act.
Wala naman aniyang pumalag o nanlaban sa ginawang panghuhuli dahil alam ng vape users na ang kanilang ginagawa ay ipinagbabawal na.
Gayunman, nilinaw ni Banac na pinakawalan din ang mga nahuli matapos ang documentation process.
Sa ngayon naghihintay pa ang PNP kung may ipapasang batas na magbibigay ng partikular na parusa sa vape users sa mga pampublikong lugar.
Pahayag ni Banac, ang magagawa lang ng PNP ngayon ay sitahin sila at dalhin sa presinto para magpaliwanag. REA SARMIENTO
Comments are closed.