(Pinakamataas na puntos sa NCR) TAGUIG NANGUNA SA KAMPANYA KONTRA POLIO; NAMAHAGI NG SUPPLEMENTAL ORAL POLIO VACCINATION SA MGA RESIDENTE

Polio Vaccine

NANGUNA ang Ta­guig sa mga local government unit sa National Capital Region (NCR) sa pagpapatupad ng “Sabayang Patak kontra Polio” (SPV) campaign ng Department of Health (DOH).

Sa ika-11 araw ng 14-day program, nakakuha ang Taguig ng rating na 102 percent at nasungkit ang pinakamataas na puntos sa mga siyudad at munisipalidad sa NCR.

Umabot sa 96,866 na residente ang nabakunahan sa Taguig.

Ang resulta ay dumaan sa validation ng grupo mula sa DOH at World Health Organization, na nagsagawa ng Rapid Coverage Assessment.

Kasunod ng pag-anunsiyo ng polio outbreak sa bansa noong Sept. 19, ang City of Taguig ay agarang pinalakas ang kampanya kontra sa nasabing sakit sa pamamagitan ng pagsagawa ng pagbabakuna sa barangay health centers at house-to-house visits.

Nakalinya ito sa DOH Memorandum No. 2019-0318 na nananawagan sa pagpapatupad sa NCR ng nasabing SPV campaign mula Oct. 14-27 at Nov. 25-Dec. 7.

Sa ilalim ng programa, ang mga kabataan na may edad 0-59 buwan ay bini­bigyan ng oral poliomyelitis (polio) vaccination upang matulungan ang kanilang pangangatawan na labanan ang virus na maaaring magdulot ng habang buhay na paralysis (sa mga paa at binti at mga muscle na kumokontrol sa organs sa ating paghinga) na puwedeng mauwi sa kamatayan.

Matapos ang pagkilala, agad na nagpahayag ng kagalakan si DOH Health Policy and Systems Development Undersecretary Mario Villaverde sa probinsyudad sa epektibong pagpapatupad ng anti-polio drive.

Bilang sa sagot naman sa pagkilala, saad ni Taguig City National Immunization Program Coordinator Dr. Jennifer Lou Lorico-De Guzman na ang puntos ay patunay na mas malawak ang proteksyon na ibinigay ng lungsod sa mga residente laban sa polio virus.

Upang makuha ang malawak na coverage, pinalakas ng Taguig City ang working force sa pamamagitan ng pagsagawa ng reorientation sa mga Barangay Health Workers (BHWs) at City Health Personnel kung paano isagawa nang maayos ang pagbakuna at pag-handle ng polio vaccine vials.

“Hindi lamang mga doktor, maging ang ­ating BHWs ay nagsagawa ng voluntary work kada weekends upang maayos ang pagbigay at mas malawak ang masakop ng target kada araw,” ayon pa kay Dr. De Guzman.

Dagdag pa niya na ang collaborative effort sa medical practitioners mula pribadong hospitals kagaya ng St. Luke’s Medical Center-Global City, Medical Center Taguig at Cruz-Rabe Hospital ay naging epektibong estratehiya.

Wika pa ni De Guzman na bukod pa sa layuning mas malawak na accomplishment coverage, ang City Health Office, sa pamamagitan ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) at ang hospital disease surveillance network, ay patuloy na nagmo-monitor ng mga kaso ng acute flaccid paralysis (AFP) gamit ang AFP surveillance system, isang mabisang estratehiya sa pagsawat ng polio.

Ang Taguig health office ay patuloy rin na nagbibigay ng libreng routine vaccines kasama ang Hepatitis B, BCG (Bacillus Calmette–Guérin), DPT (Diptheria, Tetanus Toxoids and Pertussis), Hib (Haemophilus Influenzae Type B ), Pentavalent vaccine o ang 5-in-1 vaccine at Polio Vaccine sa mga Barangay Health at Super Health Centers.

Noong November 2018, ang Taguig ay nagsimulang magbigay ng human papilloma virus vaccines sa mga babaeng estudyante na may edad 9-14. Ang mga bakunang ito ay upang mabigyan proteksyon ang mga babaeng estudyante laban sa cervical cancer.

Ang iba pang school-based immunization programs ay para rin sa Measles Rubella (MR) at Tetanus Diptheria (TD) na ibinibigay sa mga Grade 1 at 7 na estud­yante. Ang Pneumococcal vaccines ay ibinibigay rin sa mga Taguigeño na senior citizens.

Comments are closed.