(Pinakamataas sa loob ng 21 taon — SWS) 17.4M PAMILYANG PINOY MAHIRAP

NASA 63% o tinatayang 17.4 milyong pamilyang Pinoy ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) noong December 2024.

Lumitaw sa survey, na isinagawa mula December 12 hanggang 18, na ang porsiyento ng Self-Rated Poor Families ay tumaas ng 4% mula 59% noong September 2024.

Ayon sa SWS, ang resulta ng survey noong Disyembre ang pinakamataas sa loob ng 21 taon magmula nang maitala ang 64% noong November 2003.

Ang 2024 annual average Self-Rated Poor Families na 57% ay mas mataas din sa 48% annual average na naitala noong 2023 at 2022.

“The December 2024 study also showed that the total percentage of poor families consists of 10.2% who were ‘newly poor’ or those who were non-poor one to four years ago,” ayon sa SWS.

Lumitaw rin sa survey na 11% ng pamilyang Pinoy ang itinuturing ang kanilang sarili na borderline o yaong inilagay ang kanilang sarili sa linya na naghahati sa poor at not poor classifications.

Bahagya itong bumaba mula sa 13% na naitala noong September 2024 at sa 12% noong June 2024.

Lumabas naman sa survey na 26% ng pamilyang Pinoy ang itinuturing ang kanilang sarili na “hindi mahirap”. Bahagya itong bumaba mula 28% noong September 2024 at sa record-high 30% noong June 2024.

Ayon sa SWS, ang self-rated poverty ay pinakamataas sa Mindanao sa 76%, sumunod ang Visayas sa 74%, Balance Luzon sa 55%, at Metro Manila sa 51%.

“Compared to September 2024, Self-Rated Poverty rose by 12 points from 62% in the Visayas, and 9 points from 67% in Mindanao. However, it stayed at 55% in Balance Luzon, while it hardly moved from 52% in Metro Manila,” ayon sa SWS.

Isinama rin ng poll firm sa kanilang survey ang Self-Rated Food Poverty kung saan lumitaw na hanggang December 2024, 51% ng pamilyang Pinoy ang nagsabing Food-Poor sila, 13% ang Food Borderline, at 36% ang itinuring ang kanilang mga sarili na Not Food-Poor.

Ang 51% rating noong December 2024 ay tumaas ng 5% mula 46% noong September 2024 at June 2024.

Ayon sa SWS, ito ang pinakamataas sa loob ng 20 taon o magmula nang maitala ang 51% noong March 2004.

Ang Self-Rated Food Poverty ay nanatiling pinakamataas sa Mindanao sa 68%, sumunod ang Visayas sa 61%, Balance Luzon sa 42%, at Metro Manila sa 39%.

“Compared to September 2024, Self-Rated Food Poverty rose by 12 points from 49% in the Visayas, 7 points from 61% in Mindanao, and 3 points from 39% in Balance Luzon. However, it stayed at 39% in Metro Manila,” ayon sa SWS.

Ang non-commissioned survey ay isinagawa sa 2,160 adults sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao gamit ang face-to-face interviews.

Ang sampling error margins ay ±2% para sa national percentages, ±3% sa Balance Luzon, at tig- ±5% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.