PINAKAMAYAMAN NA BANSA SA ASEAN: SINGAPORE, BRUNEI AT MALAYSIA

Magkape Muna Tayo Ulit

KUALA LUMPUR-Bago pa dumating ang mga dayuhang Europa na sumakop sa mga bansa sa Asya, ang Fili­pinas, pati na rin ang mga bansa sa ating rehiyon na bumubuo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay kasali na sa pangangalakal sa iba’t ibang bansa sa Asya. Ang mga gulay at iba’t ibang uri ng pampalasa sa pagkain o spices, ang ibinibida sa ating rehiyon.

Ang bansang China at India ang panguna­hing nagtulak ng kalakaran sa ating rehiyon noong mga panahon na iyon. Ang pagdating ng mga banyaga mula sa iba’t ibang bansa sa Europa na sumakop sa mga bansa ng ating rehiyon, ang nagbago ng direksiyon ng ating pangangalakal. Noong panahon ng pagsakop ng mga dayuhan sa ating rehiyon, naging pangunahing produksiyon ay agrikultura. Ang mga produktong tulad ng tsaa, pinya, abaca, sa­ging, kape, timber at marami pang iba ang mga pangunahing kinakalakal noong mga panahon na iyon.

Subali’t malaki na ang pinagbago dulot ng global modernization ng ating rehiyon. Dumami na ang pabrika na naka­tuon sa manufacturing. Ganoon din ang pagbibigay serbisyo lalong-lalo na sa information technology o I.T.

Dahil dito, lumago ang ekonomiya ng mga bansa sa ASEAN. Nguni’t hindi pare-pareho ang paglago ng kani-kaniyang ekonomiya. May talagang lu­mago ang ekonomiya na maa­ring itapat sa mga mayayamang bansa sa Europa, America at pati sa bansang Japan, South Korea at China sa Asya. Mayroon din naman na hindi pa makabangon nang todo dulot ng mga korap at mapagsamantalang mga lider na namuno sa kanilang bansa.

Ibibigay ko sa inyo ang tatlong pinakama­yaman na bansa sa ASEAN. Ito ay base sa kanilang GDP o gross domestic product per capita (GDP per capita). Ginagamit ito bilang batayan ng ganda ng ekonomiya ng isang bansa. Ito ay binabase kung papaano kaganda o kahirap ang pamumuhay ng kanilang populasyon

1. Singapore- Ito ang pinakamayaman na bansa sa ASEAN kung ang pagbabasehan ay ang kanilang GDP per capita. Napakaganda ng kanilang ekonomiya. Sa katunayan nasa kanila ang pinakamaganda at maayos na paliparan. Ang Changi Airport. Ta­lagang masasabing world-class ito. Maganda ang peace and order doon. Ang Singapore ay tinagurian bilang halos walang korupsiyon sa pamamahala ng gobyerno. At nasa pangunahing listahan na napakadali makipag-usap o makipag-ugnayan sa larangan ng negosyo. Moderno ang lahat ng kanilang impraestruktura at napakaganda ng kanilang daungan sa pagbaba ng mga kalakal mula sa iba’t ibang bansa. May mahigit na 7,000 multinational companies ang nagtaguyod sa Singapore bilang ka-nilang head office. Maraming mga milyonaryo sa mundo ang may tirahan sa Singapore.

2. Brunei- Maaring ito ang pinakama­liit na bansa sa ASEAN. Subali’t isa ito sa pinakamayaman. Sila ang ikalawa sa mataas na GDP per capita. Halos 90% ng kanilang GDP ay nakasalalay sa produksiyon ng langis at natural gas. Dahil dito, madaming pumapasok na foreign investments sa kanila na malaki ang tulong sa paglago ng kanilang ekonomiya.

3. Malaysia- Ang Malaysia ang ikatlo sa pinakamayaman na bansa sa ASEAN. Ito ay matagumpay sa pagbago ng kanilang ekonomiya na gumawi bilang isang industriyalisadong ekonomiya. Ang kanilang ekonomiya noon na nabilang ‘as the 20th most competitive’ noong taon 2014 at 2015. Inoobserbahan ng mundo ang bansang Malaysia dahil sa kanilang mabilis na pag-angat ng kanilang ekonomiya sa ating rehiyon na kinalaunan ay matatawag na silang totoong ‘developed economy’. Ang industriya ng turismo ay malakas din sa Malaysia. Ang mga top export nila ay palm oil, liquified natural gas, goma, machinery at kemikal.

Comments are closed.