PINALALAKI LAMANG ANG ISYU NG BUHANGIN SA MANILA BAY

Magkape Muna Tayo Ulit

NATUWA ako kamakailan nang mabalitaan ko na may ginagawang pagsisikap ang DENR sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Maynila para pagandahin ang dalampasigan ng Manila Bay sa kahabaan ng Roxas Blvd.

Nilalagyan nila ito ng puting buhangin upang magmukhang mala-Boracay ang hitsura nito. Siguro naman, kapag uunawain mo ang kalagayan ng Manila Bay bago sinimulan ng DENR ang paglilinis nito, ilang dekadang kapabayaan at pang-aabuso ang naranasan ng nasabing lugar.

Sa katunayan, ilang mga negosyo at mga residente sa paligid ng Manila bay ang walang budhi kung magtapon ng kanilang basura dito. Magbalik-tanaw tayo sa mga lumang larawan at pelikula ng Manila Bay. Napakalinis nito. Pasyalan ng mga tao. Ang simoy ng hangin ay napakalinis. Higit sa lahat, walang polusyon.

Tulad ng ginawa sa Singapore sa kanilang paglilinis  ng kanilang pangunahing ilog sa bunganga ng Marina Bay, ang ating pamahalaan ay nais ibalik ang linis at ganda ng Manila Bay. Sa katunayan, ilang mga establisimiyento ang kanilang ipinasara sa paglabag sa pagtatapon ng basura sa Manila Bay.

Patuloy ang paglilinis sa Manila Bay. May mga ilang lugar doon na makikita sa YouTube ang malaking pagbabago ng kanilang dalampasigan. Subalit magpakatotoo tayo. Hindi magagawa ito sa maikling panahon. Malaki na ang ibinaba ng porsiyento ng lebel ng coliform sa Manila Bay pero hindi pa rin sapat na masasabi na ligtas na ito upang magtalampisaw doon. Subalit malinaw na doon ang direksiyon ng kanilang kampanya sa paglilinis ng Manila Bay.

Ngayon na nilalagyan ng buhangin ang dalampasigan ng Manila Bay, ang mga militanteng grupo at mga maka-kalikasan kuno ay tumututol sa nasabing proyekto. Bakit daw binibigyan ng prayoridad ito samantalang patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Haller? Ano ang gagawin natin, magmukmok? Kailangan nating labanan ito sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mga planong nahinto ng ilang buwan dulot ng ECQ. Ito lamang ang tanging paraan upang hindi tumiklop ang ating ekonomiya. Ang mahalaga ay palaging nasa ating kaisipan ang mga pamamaraan upang hindi mahawaan ng COVID-19 na alam na nating lahat ito. Ang tanong lamang ay kung sinusunod natin ang mga ito.

Ngayon naman, may nagsasabi na delikado raw ang nasabing buhangin dahil artipisyal daw ito mula sa dinurog na batong ‘dolomite’ kaya naman daw maararing magbigay ito ng sakit na kanser o karamdaman sa paghinga.

Subalit ayon sa isang pag-aaral na ginawa noong Setyembre 2012 sa Dubai, ang dolomite ay hindi talagang masama sa kalusugan ng tao. Ang ibig sabihin nito ay kailangan mong direktang singhutin ang buhangin na gawa sa dolomite upang maging mapanganip ito sa ating kalusugan. Ang ‘dolomite dust’ ang nalalanghap ng mga nagtatrabaho sa mga minahan at sa mga konstruksiyon. Subalit  walang nasabi o lumabas na pag-aaral na nagkasakit sila dahil sa paghinga nito. Sa madaling salita, pilit pinaparehas ng mga tutol sa paglagay ng artipisyal na buhangin sa Manila Bay sa nakamamatay na ‘asbestos’ na ipinagbawal ang paggamit dahil sa mga ilang lumabas na pag-aaral na talagang nakamamatay ito.

Tulad ng tubig, hindi ito nakamamatay kapag sapat ang gamit nito sa pag-inom. Ngunit  kapag nasobrahan, maaaring mamatay ka sa pagkalunod. Kaya sa mga kumikontra  sa paglalagay  ng puting buhangin sa Manila Bay, magsitigil na nga kayo. Puros kayo kontra ngunit  wala naman kayong magandang panukala upang umasenso ang ating bayan.

Comments are closed.