IPINASA ng Kamara nitong linggo ang panukalang batas na pangunahing binalangkas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong palawakin ang mga serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa lahat ng sektor ng agrikultura at ang pakikilahok sa naturang programa ng pribadong sektor.
Layunin ng mga Consolidated House Bill 7387 na inaprubahan na amyendahan ang ‘Sections 1 at 3.11’ ng Presidential Decree 1467 na lumikha sa PCIC.
Ayon kay Salceda, palalawakin ng HB 7387 ang mga serbisyo sa siguro ng PCIC sa lahat ng sektor ng agrikultura at bibigyan din nito ng kapangyarihan ang ahensiya na magbigay ng ‘agricultural reinsurance services’ sa mga pribadong kompanya, kasama ang mga pangsakahang kooperatiba at samahan ng mga magsasaka na sumali sa programang ‘agricultural insurance.’
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang pagpapalawak sa ‘crop insurance system’ ay mabisang paraan upang protektahan ang mga magsasaka sa banta ng pagkaluging dulot ng mga peste sa mga hayop gaya ng “African Swine Fever” at pananim tulad ng “rice tungro virus” (RTV),” na patuloy na magiging lalong mabagsik dahil sa ‘climate change’ o pagbabago ng panahon.
Pinuna ni Salceda na sa kasalukuyan, sinasaklaw ng programang ‘crop insurance’ ng bansa ang halos lahat ng dapat saklawin nito ngunit walang gaanong mahalagang partisipasiyon ang pribadong sektor sa naturang programa.
“Dahil sa climate change, asahan nating lalong magiging mabagsik ang mga peste sa hinaharap. Bagama’t sumusulong din ang ‘bioscience’ sa agrikultura, kailangan pa rin nating tiyakin ang suporta ng ‘financial sector’ sa programang ‘crop insurance,’ giit ni Salceda na kilala sa kampanya para sa ‘climate change adaptation.’
Ayon sa kanya, matinding pinilay ng pinakahuling pananalasa ng AFS ang industriya ng karne sa bansa, habang pinadapa naman kamakailan ng ‘tungro’ ang pagsasaka ng palay sa kanyang lalawigan ng Albay.
“Sadyang kailangang protektahan natin ang ating mga magsasaka at pagkain. Walang higit na mahalagang hakbang para isulong ang pambansang seguridad natin kaysa protektahan ang ating mga mamamayan,” madiin niyang ipinaliwanag.
Layunin ng HB 7387 na palawakin ang ‘agricultural insurance coverage’ sa pamamagitan ng pagbibigay ng PCIC ng karapatan sa ‘reinsurance programs’ sa mga pribadong magsisiguro, at pagpapalawak sa ‘livestock insurance portfolio’ ng mga korporasiyon sa pananalapi ng pamamahalaan.
“Sa pamamagitan ng ‘primary agricultural insurance’ upang mabawasan ang mga banta ng pagkalugi sa agrikultura, asahan nating mapapababa din ng PCIC ang gastos sa ‘private agricultural insurance,”dagdag niya.