ISANG kasunduan para sa pagdedeploy at pagkuha ng manggagawang Filipino sa Ontario, Canada na naglalayong palawakin ang mga destinasyong bansa ng mga manggagawang Filipino ang isinasaayos ng labor department.
Nilagdaan kamakailan ni Labor Secretary Silvestre Bello III at Ontario Labor Minister Monte McNaughton ang isang Joint Communique, na kumikilala sa matibay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng Province of Ontario at nagpapahiwatig sa intensyon ng magkabilang panig na lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) on Labor Cooperation.
Ipinaabot ni Bello ang kanyang pasasalamat sa mga oportunidad na ibinigay ng Province of Ontario sa mga manggagawang Filipino at nagpahayag ng pag-asa na malapit nang malagdaan ang MOU.
Pinuri rin niya ang mga pinakahuling programa ng Ontario na naglalayong magbigay ng kumpletong proteksyon at mas malaking sahod sa mga manggagawa.
Sa 75 porsiyento ng manggagawa sa Ontario na mga migrante, binigyang-diin ni Minister McNaughton ang kanilang mga programa na kumikilala sa imigrasyon bilang pangunahing susi sa pagpapalakas ng pag-unlad ng ekonomiya. Kabilang dito ang Bill 27 o ang Working for Workers Act of 2021, ang Ontario Immigrant Nominee Program, at ang pagbabawas ng kinakailangan sa kasanayan sa wika para sa mga manggagawang nag-aral sa ibang bansa.
Sa ilalim ng Working for Workers Act, kailangang may lisensiya ang mga recruiting at temporary help agency. Ipinagbabawal din nito ang ilang regulated profession na nagtatakda bilang kwalipikason ang kanilang karanasan muna sa Canada para sa isang international-trained professional upang makakuha ng lisensya, maliban sa sektor ng kalusugan.
Samantala, kinikilala ng Ontario Immigrant Nominee Program ang mga dayuhang manggagawa na may alok na trabaho sa skilled occupation, at iba pa, ng pagkakataon na mag-aplay upang manirahan at magtrabaho nang permanente sa Ontario.
Nagpahayag din si Minister McNaughton ng kanyang pasasalamat sa kontribusyon ng mga manggagawang Filipino, hindi lamang sa Province of Ontario kundi sa buong Canada. Pinuri niya ang mga nasa frontline service noong kasagsagan ng pandemya at sinabing ang Province of Ontario ay “talagang nagpapasalamat sa kanilang pagsusumikap at sakripisyo.”
Dumalo rin sa meeting sina Ambassador Rodolfo Robles ng Ottawa Philippine Embassy, Consul General Orontes Castro ng Toronto Philippine Consulate General, Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), DOLE Assistant Secretary at Concurrent International Labor Affairs Bureau (ILAB) Director Alice Visperas, Consul Rodney Jonas Sumague ng Toronto Philippine Consulate General, at Labor Attaché Rachel Zozobrado-Nagayo ng Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Toronto.
Sinundan ang meeting ng roundtable discussion na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Filipino-Canadian professional at business groups.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga kinatawan ng Filipino professional groups sa Province of Ontario sa pagpasa ng Bill 27, dahil naging madali para sa kanila ang pagpasok at paghahanap ng matatag na trabaho sa Canada.
Samantala, pinasalamatan ng mga nurses ang Province of Ontario para sa pagbuo ng makabagong assessment process para sa mga nag-aaplay ng nursing position. Ipinahayag nila na ang mga Pilipinong nurse ay nakahandang tumulong upang punan ang kakulangan sa bilang ng mga nurse sa Ontario at ang pagtitiyak ng pagbibigay ng kalidad na trabaho.
Ipinaabot din ni Minister McNaughton ang kanyang pasasalamat sa kontribusyon ng mga manggagawang Filipino, hindi lamang sa Lalawigan ng Ontario kundi sa buong Canada. Pinuri niya ang mga nasa frontline noong kasagsagan ng pandemya at sinabing ang Lalawigan ay “talagang nagpapasalamat sa kanilang pagsusumikap at sakripisyo.”
Gayundin, tinanong ng kinatawan mula sa personal support worker ang posibilidad na magkaroon ng mas mabilis na immigiration process para makapag-aplay sila sa mga bakanteng nursing position.
Matatagpuan sa Central Canada, ang Ontario ay nananatiling lalawigan na may pinakamaraming bilang ng mga Filipino na 337,760.