IPINAG-UTOS ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa mga opisyal ng Department of Budget and Management na isapinal na ang guidelines para sa pagpapalabas ng karagdagang sahod matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 64, na nagpapataas ng sahod at karagdagang allowance sa government workers.
“Naipag-utos ko na sa aming mga kinauukulan sa DBM na agarang tapusin ang mga gabay para sa aprubadong pag-increase ng sahod,” ani Pangandaman.
Pinasalamatan nito si Pangulong Marcos sa pagpapalabas nabanggit na EO na kailangan ng DBM upang ipatupad ang SSL VI.
“Dahil sa EO na ito, maaari na nating ilabas ang unang tranche ng SSL VI. Dadaliin namin ang mga gabay sa implementasyon upang makita ng mga government employees ang kanilang unang bahagi ng pag-increase ng sahod ngayong 2024,” dagdag pa ni Pangandaman.
Binigyang-diin pa nito na ang pagtaas ng sahod ay hindi lamang sa oras ng implementasyon kundi ito ay retroactive.
“Ang pagkuha para sa ating initial tranche ay retroactive simula Enero 1, 2024 kaya mayroong salary differential o back pay,” dagdag pa ng kalihim.
Nitong Agosto 2, pinirmahan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa pamamagitan ng authority ng Pangulo, ang EO 64 na agad magiging epektibo sa sandaling malathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.
Matatanggap ang unang tranche ngayong 2024 ng government employees, ang ang ikalawang tranche ay sa susunod na taon.
“Masaya akong ipahayag na ang pag-increase ng sahod ay nakalaan hindi lamang para sa 2024 kundi pati na rin para sa 2025. Nakasiguro ang increase ngayong taon at may increase din sa susunod na taon,” ayon kay Pangandaman.
“Magtutungo tayo sa isa pang round ng pag-increase ng sahod sa implementasyon ng pangalawang tranche ng SSL VI sa susunod na taon. Naglaan ang DBM ng P70 bilyon sa ilalim ng FY 2025 MPBF (Miscellaneous Personnel Benefits Fund) upang saklawin ang karagdagang pangangailangan para sa parehong una at pangalawang tranche ng SSL VI na magtatagal ang epekto sa Enero 1, 2025,” dagdag pa niya.
Inaasahan na ang karagdagang gastos sa implementasyon ng unang tranche ng SSL VI para sa mga national government employees sa 2024 ay tinatayang nasa P36 bilyon. Ang mga pondo na ito ay manggagaling sa mga alokasyon sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA), partikular mula sa MPBF.
Ang aprubadong pag-increase ng sahod ay para sa lahat ng civilian government personnel sa Executive, Legislative, at Judicial branches, pati na rin sa Constitutional Commissions at Offices, pati na rin sa Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng GOCC Governance Act of 2011 at Executive Order No. 150 (s.2021), at sa Local Government Units (LGUs).
Ang pagtaas ng sahod ay tumutugma sa mga layunin ng Philippine Development Plan at “Bagong Pilipinas” na buhayin ang bansa sa pamamagitan ng komprehensibong mga reporma sa lipunan at pamahalaan.
Tatanggap din ang government workers ng P7,000 na medical allowance simula sa FY 2025.
“Matagal ko nang pangarap na matanggap ng ating mga government workers ito. Matagal ko nang itinataguyod ang adbokasiyang ito simula pa noong 2017, at masaya ako na sa administrasyon lamang ni President BBM naging isang katotohanan ito. Ayaw natin na maging lugi ang ating mga government employees pagdating sa mga benepisyo,” anang kalihim.
“Masaya tayo na kasama sa EO ang medical allowance. Noong dumating ako sa executive, napansin ko na wala tayong HMO. Pinaglaban natin talaga ito. Para sa 2025 National Expenditure Program, may nakalaan na P9.5 bilyon dito,” dagdag pa ni Pangandaman.