(Pinanatili ng DBCC)6-7% 2023 GROWTH TARGET

GDP

PINANATILI ng mga economic manager ng bansa ang growth target na 6-7 percent para sa 2023 ngunit itinaas ang inflation forecast para sa taon.

Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), nasa 6 hanggang 7 percent ang inaasahan pa ring GDP growth sa kabila ng posibleng global economic slowdown.

Para sa 2024 hanggang 2028, ang growth target ng DBCC ay 6.5 hanggang 8 percent.

“We maintained our growth targets at 6 to 7 percent for 2023 and 6.5 to 8.0 percent for 2024 to 2028 in consideration of the risks posed by geopolitical and trade tensions, possible global economic slowdown, as well as weather disturbances in the country,” sabi ng DBCC.

Para sindihan ang paglago, sinabi ng DBCC na magpopokus ang bansa aa pagmodernisa ng agrikultura, pagpapalawak sa agri-business, paghimok sa private sector participation sa infrastructure development, pagsusulong sa digital transformation at pagpapalakas sa competitiveness ng local industries, kaugnay sa Philippine Development Plan 2023 hanggang 2028.

Samantala, itinaas ng DBCC ang inflation outlook nito sa 5-7 percent average ngayong taon mula 2.5 hanggang 4.5 percent sa gitna ng patuloy na pagtaas ng food, energy at transport.

Ibinaba naman ang peso-dollar exchange rate assumption para sa 2023 sa $53 hanggang $57 at inaasahang mananatili sa parehong lebel hanggang 2028.

Ayon pa sa DBCC, ang revenue collections sa medium term ay inaasahang tataas sa P6.62 trillion sa 2028 mula P3.73 trillion sa 2023.

Ito’y dahil sa mga bagong revenue measures na ipatutupad ng pamahalaan tulad ng Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act, VAT o digital service providers, at excise taxes sa single-use plastics at pre-mixed alcohol.