KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang paglabas sa bansa ng tinaguriang ‘drug queen’ na si Guia Gomez Castro.
Si Castro ang sinasabing buyer ng mga nirerecycle na illegal drugs ng tinatawag na ‘ninja cops’.
Batay sa datos ng Immigration, umalis noong Setyembre 21 si Castro patungo ng Bangkok, Thailand.
Sa pahayag ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na pinayagang makalabas ng bansa si Castro dahil wala naman itong masamang record na nakatala sa ahensya.
Kinumpirma naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar na kadarating lamang ni Castro mula Vancouver, Canada nitong Setyembre 18, 2019 via Philippine Airlines flight PR 119.
Nauna nang pinangalanan si Castro ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Vicente Danao.
Sa inilabas na drug matrix ng NCRPO, tinukoy na isang dating Barangay Chairwoman sa Sampaloc, Manila ang nagsisilbing drug queen na sinasabing protektado ng ilang mga ninja cops.
Noong isang Linggo, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino na nangyayari pa rin ang recycling ng mga ilegal na droga sa mga police operation at isang drug queen ang bumibili sa mga nasasabat na ilegal na droga.
Aniya, galing sa mga tiwaling pulis ang ilegal na droga at sila rin ang nagbibigay ng proteksyon sa naturang drug queen.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), 16 na police officers ang konektado sa illegal drug operation ni Gomez Castro.
Nilinaw naman ni Eleazar na hindi kailanman nakapanumpa bilang barangay chairwoman sa kanyang lugar na nasasakupan si Castro.
Ito ay sa kabila ng mahalal siya bilang barangay chairwoman ng Barangay 484 Zone 4 nitong nakaraang barangay elections noong 2018. At dahil sa hindi nakapanumpa ni Castro, umupo bilang officer-in-charge (OIC) na Punong Barangay ang isa sa na-halal na kagawad na si Weng Calma.
Ipinaliwanag din ni Eleazar na siyam sa tinaguriang mga ‘ninja cops’ na sangkot sa ilegal na aktibidad ni Castro ay mga patay na, dalawa dito ay retirado na, dalawa sa kanila ay sinibak sa serbisyo dahil na rin sa pagkakasangkot saq illegal na droga saman-talang dalawa pa ay nag-AWOL.
Hindi naman din itinanggi ni Eleazar na mayroon talagang ibang aktibong pulis na matitigas ang mga ulo na sangkot sa drug-recycling na kanilang mino-monitor sa ngayon ang kilos ng mga ito.
“Itong sinasabi nating drug queen at kaniyang mga galamay, naging aktibo ito noong sinasabi nating mga years back. Sa ngayon ay base sa ating assessment, hindi na ito makagalaw. Sa ngayon masasabi natin na ‘yung kaniyang operasyon hindi na tulad noong sa dati noong namamayagpag siya at maraming nagbibigay ng proteksiyon sa kaniya,” ani Eleazar.
Dagdag pa ni Eleazar, hindi man nila agad na maaresto si Castro ay ipagpapatuloy nila ang pagmamanman sa ilang aktibong pulis at sibilyan na may kinalaman sa naturang drug queen. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.