(Pinangangambahan sa Disyembre o Enero) SHORTAGE SA SUPPLY NG ITLOG

NANGANGANIB na magkaroon ng kakulangan sa supply ng itlog sa susunod na buwan o sa Enero.

Ayon sa Egg Council of the Philippines,  bagama’t sa kasalukuyan ay sobra-sobra ang supply ng itlog sa bansa ay nalulugi na sila dahil sa halos dobleng pagtaas ng presyo ng feed inputs na ipinakakain sa mga manok, tulad ng soya, mais, at coconut oil.

Dahil dito ay marami umano sa may layering far ang nagbabawas na ngayon ng hanggang 40 porsiyento ng alaga.

Ganito rin ang babala ng Philippine Egg Board Association.

“Historically ‘pag ganoon after a few months or few weeks puwedeng magka-shortage or usually nagkaka-shortage, tapos ina-anticipate din natin na dahil Christmas season tataas din ang demand for just like other food items,” wika ng pinuno ng grupo na si Irwin Ambal.

Aniya, minamabuti nilang magbawas ng ­alaga kaysa ipasa sa mga consumer  ang dagdag sa production cost.

Hindi naman matantiya ng mga egg producer kung gaano katagal magkakaroon ng shortage ng itlog.