(Pinangangambahan sa gitna ng kontrobersiya sa NFA) BAGSAK-PRESYO SA PALAY

NANGANGAMBA ang isang agricultural group sa kakayahan ng pamahalaan na bumili ng rice stocks mula sa mga magsasaka kasunod ng pagsuspinde sa mahigit  100 opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA).

Ang worry namin, talagang ‘pag binarat kasi talagang bababa ng below P20 ‘yan, no? Walang tatakbuhan ang farmers. Kapag kasi may NFA ‘di makaporma ‘yung trader, may pupuntahan eh. May pupuntahang iba, ‘yung gobyerno. Mamimili siya eh. Kahit na konti lang ang kaya niyang bilhin, at least namimili pa rin siya,” pahayag ni  Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI)  president Danilo Fausto sa report ng GMA News online.

Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng 90-day preventive suspension ang 139 opisyal at empleyado ng NFA bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y paluging pagbebenta sa rice buffer stocks sa mga piling  trader.

Epektibo ang suspensiyon noong March 4, 2024 at tatagal ng 90 araw.

Subalit noong nakaraang linggo ay inalis na ng Office of the Ombudsman ang suspensiyon sa mahigit  20 tauhan ng NFA na sangkot sa naturang unauthorized sale ng bigas.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, inalis ang suspensiyon makaraang matuklasan ng mga imbestigador mula sa kanyang tanggapan ang maling datos sa listahan na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA).

Aniya, kabilang sa NFA personnel na binawi ang suspensiyon ay warehouse supervisors sa National Capital Region (NCR).

“After conducting initial investigation ng mga imbestigador namin, itong inirekomenda nila na i-lift ang preventive suspension sa mga warehouse supervisors sa Iloilo, Antique, Cabanatuan, basta NCR. Basta mga 23 lahat ‘yun,” sabi ni Martires.