NANGANGAMBA si Senadora Imee Marcos na paliit na nang paliit at hindi na makabusog ang pandesal na almusal at pangmeryenda ng ordinaryong Pinoy.
Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, tiyak na tutol ang mga konsyumer ng tinapay sa hirit na tatlong pisong dagdag-presyo pero hindi na rin, aniya, makayanang ‘di ipatupad ng mga panadero.
“Sa nangyayari ngayon, baka maging ga-holen na lang ang laki ng pandesal,” ani Marcos.
“Napipilitang magtaas ng presyo ang mga panadero dahil nagmamahal ang materyales at pagpapatakbo ng negosyo habang gipit pa rin ang mga badyet ng mga mamimili sa gitna ng pandemya,” dagdag ng senadora.
Una nang iginiit ng producers na makatuwirang itaas ng tatlong piso ang presyo ng Pinoy Tasty at pandesal dahil hindi nagbago ang presyo nito mula pa noong 2016 na P35 kada loaf at P21.50 kada 10 pirasong pandesal.
Sinabi ni Marcos na puwedeng manghimasok o magtakda ang DTI ng price freeze sa mga raw material upang hindi mabigatan ang mga maliliit na panadero sa bansa.
Dagdag ng senadora, ang isa pang panandaliang solusyon ay ang pag-import ng arina ngunit government-to-government na usapan at pang-emergency use lamang.
Aniya, ang mas pangmatagalang solusyon ay ang pagdagdag ng nutrisyon sa mga tinapay na ginamit na sa kilalang Nutribun noong dekada ’70.
“Gaya ng Nutribun noong araw, ang tinapay ay puwedeng dagdagan ng mga sangkap na lokal gaya ng camote, cassava, monggo, kalabasa, patatas, at bigas. Puwede pa lalong pagyamanin sa protina, gamit ang mani at malunggay,” paliwanag ni Marcos.
Kung ikukumpara ang halaga ng gastos para sa harina noong 2020 at 2022, lumalabas na ang presyo ng first-class na harina ay nasa P670 hanggang P970, nagkakahalaga naman ang all-purpose flour ng P90 hanggang P1,140, at ang third-class flour naman ay mula P600 hanggang P890.
Ang gastos sa LPG ay lumobo ng P13.15 mula sa P52 kada kilogram noong 2020 sa P65.15 sa kasalukuyan.
Tumaas din, aniya, ang iba pang sangkap sa tinapay mula sa P2,386 naging P3,476 kada 40-kilogram na balde ng mantika, mula sa P2,100.15 hanggang P3,490 kada 45-kilogram na balde ng margarine, mula sa P2,200 hanggang sa P3,100 kada 50-kilogram bag ng asukal sugar, at mula sa P1,890 hanggang sa P2,200 para sa kaparehong halaga ng brown na asukal.
Sumipa na rin ang presyo ng gatas mula sa P4,100 naging P5,700 na ang 25-kilogram bag ng skimmed milk powder; P1,820.16 hanggang P1,951.20 naman ang 48 lata o (1 kahon) ng evaporated milk; at mula sa P2,566.56 naging P2,679.84 na ito para sa kaparehong dami ng condensed milk.
Tanging ang mga pampaalsa lang ng tinapay at ang tuyong lebadura ang hindi nagbago ang presyo na nasa P1,500 hanggang P1,950. VICKY CERVALES