Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na ikinokonsidera na ngayon ng poll body ang paggamit ng postal voting o mail-in voting para sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa 2022 presidential elections.
Ito ay bunsod na rin ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Jimenez, ang naturang pamamaraan ng pagboto ay ginagamit naman na sa ngayon para sa botohan, ngunit para sa overseas voting lamang.
Aniya, maaari namang palawigin na lamang nila ang paggamit ng naturang pamamaraan, at maisama na ang domestic voting para sa mga partikular na botante, gaya ng matatanda at mga may kapansanan.
“In fact, ang postal voting o mail-in voting ginagawa na natin ‘yan sa overseas voting. Ang gusto lang ng Comelec ay palawigin ito pata ma-include ang domestic voting,” ayon kay Jimenez sa panayam sa telebisyon. “Mag-identify lang muna tayo siguro ng mga partikular na voters. Halimbawa, senior citizens or persons with disability na puwedeng gumamit ng mail-in voting.”
May panukala na naisumite sa Kongreso hinggil sa pagpapahintulot sa mail-in voting para sa domestic voters.
Bukod dito, bumubuo na ang komisyon ng mas pinalawig na alternatibong pamamaraan ng pagboto gaya ng online voting ngunit pinag-aaralan pa ng Comelec ang voting procedure hinggil dito.
Kaugnay nito, muli namang nanindigan si Jimenez na wala silang nakikitang dahilan upang ipagpaliban ang halalan kahit pa may posibilidad na hindi pa rin tapos ang COVID-19 pandemic sa taong 2022. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.