(Pinaplantsa na ng DILG) ‘NO VAX, NO SUBSIDY’ SA 4Ps BENEFICIARIES

PINAG-AARALAN na ng Department of the Interior ang Local Government (DILG) kung paano ipatutupad ang ‘no vaccine, no subsidy’ policy para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, maraming 4Ps beneficiaries ang tumatanggi pa ring magpabakuna kontra COVID-19.

Dahil dito, sinabi ni Malaya na isinusulong nilang ma-disincentivize ang mga unvaccinated government aid recipient.

“Ang 4Ps naman, kaya nga ‘yan tinatawag na conditional cash transfer kasi para makuha mo ang regular mong subsidiya sa pamahalaan ng may mga kondisyon ‘di ba,” sabi ni Malaya.

“Pumupunta ka sa health center, nagpapa- deworm ka, ‘yung mga anak mo ipinapasok mo sa eskwelahan, naka-enroll. So, dadagdagan pa natin ng isa pang kondisyon which is pagbabakuna,” aniya.

Naisumite na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panukalawang huwag bigyan ng cash assistance ang mga hindi pa bakunadong benepisyaryo ng 4Ps.

Sinabi pa ni Malaya na pinag-aaralan din ng pamahalaan ang legal issues na maaaring makaapekto sa pagpapatupad ng panukala dahil ang conditional cash transfer ay institutionalized na.

“‘Yan ang pinag-aaralan natin because we are in a public health emergency. Sabi ng mga taga-DWSD, health component [of 4Ps] is flexible… Pinag-aaralan na po ito ng mga abogado.”