(Pinaplantsa na ng DTI) BAWAS-PRESYO SA ANTIGEN, PCR TESTS

MULING magpapatupad ang pamahalaan ng bawas-presyo sa antigen at RT-PCR tests.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), pinaplantsa na lang ang patakaran para sa mas murang antigen at PCR tests.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na ang kasalukuyang P900 na price cap sa antigen ay posibleng ibaba  ng kanilang technical working group ng P200 o P300.

“‘Yung RT PCR we are also working on it pero marami pang considerations for the final computation kaya hindi pa natin tapos.”

Samantala, wala pa ring inilalabas ang ahensiya na suggested retail price ng COVID self-test kits dahil dalawa  pa lang ang aprubadong brand.

Ang COVID-19 self test kits ay maaari nang mabili sa ilang sangay ng malalaking parmasya ngunit hindi tulad sa ibang bansa na over the counter, kailangan pa ng doctor’s prescription para makabili nito.

Target naman ng DTI na payagan na ang pagbili nito kahit walang reseta kalaunan

“’Yan talaga ang gagawin natin, ‘yung over the counter, we are waiting for the DOH to finish the guidelines for the home test kits kasi kailangan nila ng tutorial video, guidelines para susundin nating ordinaryong tao na hindi naman medical professional kung papaano natin gagamitin ang mga test kits na yan,” ani Castelo.