PINAS AYAW PAAWAT (Patuloy sa paghakot ng gold medals)

Gold Medal

LUMOBO pa ang bilang ng medalyang ginto ng Filipinas sa Day 4 ng 30th Southeast Asian Games kahapon.

Sa 56 gold, 42 silver at 22 bronze medals na nakolekta hanggang alas-7:25 kagabi, lumayo pa ang Filipinas sa mahigpit na katunggaling Vi-=etnam na may 24-29-31 at Malaysia na may 20-11-21 sa medal tally.

Tampok sa gold rush ng bansa ang pagtuldok sa 10-year gold medal drought nito sa swimming sa biennial meet nang madominahan ni James Deiparine ang men’s 100-meter breaststroke sa  oras na 1:01.46 sa New Clark City Aquatic Center.

Pumangalawa si Vietnam’s Thanh Bao Pham sa oras na 1:01.92, sumusunod si Chien yin Khoo ng Singapore na nagtala ng 1:01.98  para sa bronze.

Humataw naman ang Philippine national obstacle course racing team sa pagkubra ng apat na gold medals,  isang silver at isang bronze medal sa obstacle course racing competition sa Filinvest City sa Alabang.

Sinimulan ng koponan nina Kyle Redentor, Kaizen dela Serna, Monolito Divina at Deanne Nicole Moncada ang araw sa pagsikwat ng ginto sa 400-meter mixed team assist event.

Sinundan ito nina Diana Buhler, Jeffrey Reginio, Klymille Rodriguez at Nathaniel Sanchez ng isa pang ginto sa 400-meter mixed team relay event.

Kinumpleto nina Rochelle Suarez at Milky Mae Tejares ang 1-2 finish makaraang kunin ang gold at silver, ayon sa pagkakasunod, sa women’s individual 100-meter category.

Nagwagi rin si Kevin Jeffrey Pascua ng gold, habang nagkasya si Mark Julius Rodelas sa bronze sa men’s individual 100-meter event.

Nakopo naman ng Filipinas ang unang dalawang gold medals nito sa shooting sa pamamagitan ng back-to-back victories sa women’s division.

Inasinta ni Marly Martir ang gold sa WA 1500 PPC individual event makaraang gapiin sina Pratiwi Kartikasari ng Indonesia at Yusliana Mohd Yusof ng Malaysia.

Kinuha niya ang kanyang ikalawang gold medal makalipas ang ilang sandal nang manguna sa WA 1500 PPC team event, kasama sina Franchette Quiroz and Elvie Baldivino.

Samantala, binuhat ni Kristel Macrohon ang kanyang unang gold medal sa SEA Games makaraang madominahan ang women’s 71kg category sa Ninoy Aquino Stadium.

Ito na ang ikalawang gold medal ng Filipinas sa weightlifting competition matapos na manguna si  Olympian Hidilyn Diaz sa 55kg category noong Lunes.

Bumuhat si Macrohon ng 93kg sa snatch at 123kg sa clean and jerk para sa  total lift na 216kg.

“I’m so overwhelmed. I didn’t expect this because the Vietnamese lifter is really the No. 1 in the division. I thought I could only win a silver. But Hidilyn inspired me to go for the gold,” ani Macrohon.

Hindi naman nagpahuli ang Muay Thai nang magbigay ng isang gold at isang silver medal sa bansa.

Nakopo nina Jearome Calica at Joemar Gallaza ang gold sa men’s Wai Kru Mai Muay event sa iskor na 9.590.

Nakasisiguro na rin ang bansa ng gold medal sa skateboarding nang maisaayos nina Margielyn Didal at Christiana Means ang all-Filipina final sa nasabing game.

Sa harap ng jam-packed home crowd ay dinurog ni Efren ‘Bata’ Reyes ang kanyang Thai opponent, 100-36, sa carom cushion quarterfinals sa Manila Hotel Tent City, habang nalusutan ni Rubilen Amit ang mabagal na simula upang maungusan si Siripaporn Nuanthakhamjan ng Thailand, 7-5, sa women’s 10-ball singles upang umabante sa semifinals. CLYDE MARIANO

Comments are closed.