PINAS BIRD FLU-FREE NA!

OPISYAL na nabawi ng Filipinas ang pagiging ligtas nito sa avian influenza (AI) kasunod ng paglalathala ng self-declaration report nito sa website ng World Organization for Animal Health (OIE).

Pormal na ipinagbigay-alam ng bansa, sa pamamagitan ng isang follow-up report,  sa OIE  na ganap na nitong na­sugpo ang AI virus na tumama sa Central Luzon noong nakaraang taon.

Ang fifth at final follow-up report ng bansa magmula nang magkaroon ng outbreak ng AI sa Central Luzon ay isinumite ni Agriculture Assistant Secretary for Livestock Enrico P. Garzon noong Hunyo 27.

“There are no new outbreaks in this report,” nakasaad sa report. “The event is resolved. No more reports will be submitted.”

Ayon sa report, ang AI outbreak na tumama sa quail at layer farms sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija ay naresolba noong Marso 9, 2018.

Ang AI outbreak ay kinumpirma noong Agosto 7, 2017 na nagsimula noong Hulyo 24, 2017 sa dalawang poultry farms sa San Luis, Pampanga. JASPER ARCALAS

Comments are closed.