NAKAHAIN ngayon sa Kamara ang isang panukalang batas, ang “Blockchain Technology Development Act” (House Bill 7864) na naglalayong kilalaning legal ang tinatawag na ‘blockchain technology’ at gawing ‘financial technology (fintech) capital’ sa Asia ang Filipinas.
Binalangkas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, ang ‘Blockchain technology’ na kumikilala sa “cryptocurrency,” ay isang teknolohiya ng kusa at ligtas na paraan ng pagpasa ng impormasiyon sa pagitan ng dalawang terminal. Pinasisimulan ng isang partido ang transaksiyong ito sa pamamagitan ng paglikha ng ‘block’ o hadlangan.
Ayon kay Salceda, ang “’blockchain technology’ ay hindi lamang tungkol sa ‘cryptocurrency’ gaya ng ‘bitcoin’ kundi buod ito ng isang paraan ng sadyang ligtas na pagtago, pag-ingat at pagtugma sa kasalukuyan ng mga talaan o rekord kaya mahirap, kung hindi man imposible na sila’y dayain.”
Sa pamamagitan ng ‘blockchain, inaasahang higit na magiging mababa ang gastos sa pagpapadala ng pera at iba pang serbisyo sa panamalapi para sa mga Filipino. “Sadyang ligtas ang Blockchain at laging abot-kamay ang mga rekord, kaya napakahalaga nito sa mga programa gaya ng ‘National ID system,’ pangangasiwa sa PhilHealth at pamumudbod ng mga tulong at benepisyong pangmamamayan,” dagdag niya.
“Madaling beripikahin ang nilalaman ng blockchain, gamit ang naglipanang mga kompyuter sa mundo, ngunit tiyak na ligtas ito kaya naiiba sa kasaysayan. Ito rin ang dahilan kung bakit akma ito sa mga transaksiyong ‘cryptocurrency’ at tiyak na ligtas na sistema sa paglipat ng pondo. Magagamit ito sa maraming larangan, pang-gobyerno man o pribado, kaya nais kong sunggaban ang pagkakataong alay nito upang mag-ing sentro ang ating bansa ng makabagong teknolohiyang ito,” paliwanag ng ekonomistang mambabatas.
Tinutukoy ng HB 7864 ang mga kinikilala at ipinagbabawal na gamit ng ‘blockchain technology’ habang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang taga-balangkas ng mga panuntunan sa paggamit nito sa sektor ng pananalapi. Isinusulong din nito ang paggamit ng teknolohiyang ‘blockchain’ sa malawak na ekonomiya at mga programang pangkaunlaran para sa mga mamamayan, dagdag niyang paliwanag.
Nauna rito, sinabi ni Salceda na isusulong niya sa Kamara ang mga hakbang upang mapunta sa Filipinas ang mga kompanya ng ‘financial technology” na nag-aalisan sa Hong Kong dulot ng humihigpit na mga regulasyon ng China sa kanila, lalo na at nagsisikipan na sila sa Singapore at Shanghai.
“Malaki at malawak ang merkado natin sa ‘financial products’ at maraming Pilipino ang maaari at handang sanayin sa larangang ito. Tiyak, kwalipikado tayo sa ganitong laro,” diin niya.
Target din ng solon ang US$20-bilyong taunang ‘foreign direct investment (FDI) inflow’ sa bansa sa ilalim ng ilang panukalang batas niya na nakahain na sa Kongreso, kasama ang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ ‘Financial Technology Industry Development Act,’ ‘Digital Economy Taxation Act,’ at ‘Faster Internet Act,’ upang lalong mapabilis ang pag-unlad ng bansa.
Comments are closed.