PINAS HANDA NA SA EAST ASIA SEAS CONGRESS 2018

EAST ASIA

NAGSIMULA nang magdatingan sa Iloilo City ang mga ministro ng kalikasan, mga eksperto sa dagat, tagapagtaguyod ng karagatan, mga kasos­yo sa rehiyon at iba pang mga stakeholder para dumalo sa Kongreso ng Silangang Asya (EAS) 2018. Higit sa 900 kalahok mula sa buong Asya, Europa, Hilagang Amerika at Australia ang inaasahang dadalo sa kumperensya mula Nobyembre 27-30 sa Iloilo International Convention Center.

Magbibigay ng welcome remarks si DENR Secretary Roy A. Cimatu sa Martes (Nobyembre 27) habang bilang provincial host, si Gov. Arthur D. Defensor, Sr. naman ang pagtanggap sa mga delegado.

Opening remarks ang nakatoka kay Dr. Antonio La Viña, chair ng EAS Partnership Council, na susundan ng isang mensahe mula kay UN Resident Coordinator Ola Almgren. Si PEMSEA Chair Emeritus Dr. Chua Thla-Eng ay opisyal na magpapahayag ng pag-bubukas ng 2018 EAS Congress.

Layon ng EAS Congress na bumuo sa mga commitment sa ilalim ng United Nations Sustainable Development Goals, kung saan may mahalagang papel sa pagtugon sa pandaigdigang agenda ng karagatan ang mga bansa ng East Asia.

Isa sa kanilang mga target ang Life Below Water, na naglalayon ng konserbasyon at pagpapanatili ng maayos na paggamit sa mga marine resources, mga dagat at karagatan.

Ayon sa mga organizer ng event, — Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Partnerships in Environmental Management for Seas of East Asia (PEMSEA), kumpirmadong dadalo ang mga delegado ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, civil society, academe, business, NGOs, international agencies, funding institutions at media sa nasabing conference.

Abot umano sa 63%  o karamihan sa mga dadalo, ay mga dayuhang delegado mula sa mga bansang kasapi sa PEMSEA tulad ng Cambodia, China, Indonesia, Japan, North Korea, Laos, South Korea, Singapore, Timor Leste at Vietnam; gayundin ang mga hindi miyembrong bansa tulad ng Malaysia, Thailand, US, United Kingdom, Sweden, Switzerland, France at Australia. Ang iba pang dadalo ay mga lokal na delegado.

Ang highlight ng kumperensya ay ang ika-6 na Ministerial Forum kung saan ang mga miyembrong bansa ng PEMSEA ay inaasahang makabuo ng “Ilo­ilo Ministerial Declaration on East Asian Region, Moving as One to Secure Healthy Oceans, People and Economies.”

Matatagpuan ang punong tanggapan ng PEMSEA sa loob ng central office ng DENR sa Quezon City. Ito ay isang intergovernmental na samahan na nagpapaganap sa Silangang Asya upang palakasin at mapanatili ang kalinisan ng mga karagatan, bayba­yin, komunidad at ekonomiya sa buong rehiyon.      NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.