KUALA LUMPUR, Malaysia – Ayaw paawat ng Team Philippines sa apat na araw na pakikibaka matapos humablot ng karagdagang tatlong golds, isang silver at isang bronze sa 10th ASEAN Schools Games sa Mini-Stadium sa Bukit Jalil kahapon.
Matapos ang impresibong ratsasa na nagbigay sa bansa ng limang gold medals sa unang tatlong araw ng kumpetisyon, humarurot ang batang hurdler, ang Youth Olympic-bound table netter at ang reigning girls basketball team para mahila ang produksiyon ng mga Pinoy sa walong golds sa taunang torneo na naglalayong mapalakas ang ugnayan at pagkakaibigan ng ASEAN nations sa pamamagitan ng school sports.
Napasama ang 17-anyos na si Eliza Cuyom sa talaan ng athletics team medalists nang madominahan ang 100-meter hurdles sa bilis na 14.45 segundo laban kina Liza Putri Ramandha ng Indonesia (14.76) at Halimatul Saadia Binti Mohammed Raja ng Malaysia (15.52).
Namayani naman si Filipino table paddler Jann Mari Nayre, unang Pinoy na nagkuwalipika sa 2018 Youth Olympic Games sa Buenos Aires, Argentina sa Agosto, kay Josh Chua Shao Han ng Indonesia, 3-1, sa boys singles titular showdown sa SJK Kong Hoe Hall sa Klang.
Sa Gem in Mall sa Cyberjaya, kinumpleto ng girls basketball team ang four-game sweep nang pataubin ang Singapore, 80-42, para sa back-to-back championships.
Nasa ika-6 na puwesto sa overall medal standings ang Team Philippines tangan ang walong golds, 9 silvers at 14 bronzes.
Sa Darul Eshan Aquatic Centre sa Shah Alam, sumisid din ng bronze medal sina Filipino tankers Jerard Dominic Jacinto at Samantha Therese Coronel sa boys and girls backstroke events ng swimming.
Naorasan si Jacinto ng 57.72 segundo, may .53 segundo ang layo sa record winning time ni Indonesian Farrel Armandio Tangkas ng Indonesia (57.25) sa boys 100m backstroke. Pumangatlo ang Indonesian ding si Dwiki Anugrah (58.13).
Comments are closed.